Diskurso PH
Translate the website into your language:

DPWH Engineer Abelardo Calalo dumating sa Batangas Prosecutor’s Office

Ipinost noong 2025-08-26 19:28:56 DPWH Engineer Abelardo Calalo  dumating sa Batangas Prosecutor’s Office

Batangas City — Dumating sa Batangas Provincial Prosecutor’s Office si Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Abelardo Calalo, na umano’y nasasangkot sa kasong panunuhol laban kay Batangas 4th District Representative Leandro Leviste.

Mula sa Taal Municipal Police Station, inihatid si Calalo ng mga awtoridad patungo sa Hall of Justice sa Batangas City ngayong  araw. Naka-bullet proof vest ang opisyal bilang bahagi ng seguridad habang isinailalim sa kustodiya ng pulisya.

Matatandaan na noong Agosto 22, 2025, naging laman ng balita si Leviste matapos niyang isailalim sa entrapment operation ang DPWH Batangas 1st District Engineer na si Abelardo “Abe” Calalo. Ayon sa pulisya, tinangkang suhulan si Leviste ng P3.1 milyon upang itigil ang imbestigasyon sa mga iregularidad sa flood control projects sa kanyang distrito.

Sa kanyang pahayag, mariing sinabi ni Leviste, “We should not tolerate any corruption in DPWH, we should demand projects at better quality and lower cost, and obligate contractors to correct any deficiencies immediately without additional cost to government”.

Ang operasyon ay isinagawa sa Barangay Poblacion, Taal, Batangas, kung saan naaresto si Calalo at narekober ang pera mula sa tangkang suhol. Nahaharap ngayon si Calalo sa kasong paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Pagdating sa gusali ng Provincial Prosecutor’s Office, tumanggi si Calalo na magbigay ng anumang pahayag at hindi sinagot ang mga tanong ng mga mamamahayag na nag-aabang sa labas ng opisina.

Samantala, nakatakdang magsimula ang proseso ng inquest proceedings upang pag-aralan ang kaso at matukoy ang kaukulang hakbang laban sa opisyal.

Patuloy namang binabantayan ng publiko at iba’t ibang sektor ang pag-usad ng kaso na inaasahang magkakaroon ng malaking epekto sa kampanya laban sa katiwalian sa pamahalaan.

larawan/facebook