9-anyos na bata tinangay ng rumaragasang baha; patuloy pa ring pinaghahanap ng rescue team
Ipinost noong 2025-08-28 11:15:36
Taytay, Rizal — Patuloy na isinasagawa ng Taytay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang malawakang search and rescue operation para hanapin ang isang 9-anyos na batang babae na nahulog sa kanal at tinangay ng malakas na agos ng baha noong Miyerkules.
Ayon sa mga awtoridad, ang insidente ay naganap matapos bumuhos ang malakas na ulan na nagdulot ng biglaang pagbaha sa ilang bahagi ng bayan. Habang naglalakad umano ang bata sa Pag-asa street malapit sa kanal, nadulas ito at hindi na muling nakita matapos tangayin ng rumaragasang tubig.
Agad na nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng MDRRMO kasama ang mga volunteer rescue groups at ilang residente. Gumagamit na rin sila ng bangka, rescue equipment, at coordinated monitoring sa mga karatig-barangay at daluyan ng tubig kung saan posibleng inanod ang bata.
“Hindi kami titigil hangga’t hindi namin natatagpuan ang bata. Patuloy ang ating ground search at koordinasyon sa mga kalapit na bayan para sa posibleng sightings,” pahayag ng opisyal mula sa Taytay MDRRMO.
Samantala, nananawagan naman ang pamilya ng biktima ng panalangin at tulong mula sa publiko para sa mabilis na pagkakatagpo sa kanilang anak.
Ang lokal na pamahalaan ng Taytay ay nagpaalala rin sa mga residente na maging maingat, lalo na sa mga bata, tuwing may malakas na ulan at pagbaha upang maiwasan ang ganitong insidente.
larawan/google
