Diskurso PH
Translate the website into your language:

Goodbye, matarik na tulay! Hello, bagong Kamuning overpass

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-08-29 12:47:51 Goodbye, matarik na tulay! Hello, bagong Kamuning overpass

QUEZON CITY — Ipinakita na ng Department of Transportation (DOTr) ang disenyo ng bagong Kamuning footbridge na papalit sa tinaguriang “Mt. Kamuning,” ang matarik at kontrobersyal na overpass sa EDSA-Kamuning. Inaasahang matatapos ang konstruksyon ng bagong tulay at kalapit na busway station sa Disyembre 2025.

Ayon sa DOTr, ang bagong disenyo ay mas mababa, mas malapad, at may mga mobility features tulad ng elevators at wheelchair lifts para sa mga senior citizens at Persons With Disabilities (PWDs). “Ang bagong EDSA Kamuning Busway Station at footbridge ay kumpleto sa mobility at accessibility features para mapadali ang pagtawid ng mga pedestrian at pagsakay ng mga pasahero sa bus,” ayon sa opisyal na pahayag ng ahensya.

Ang proyekto ay may kabuuang budget na ₱89,129,402.57 at bahagi ng mas malawak na EDSA Busway rehabilitation program. Gagamit ng prefabricated construction method upang hindi makaabala sa daloy ng trapiko habang ginagawa ang tulay. Tiniyak ni Transportation Secretary Vince Dizon na “hindi makakaabala sa mga commuters at motorista ang sinimulang construction dahil gagamitan ito ng prefabricated method”.

Matatandaang noong Hunyo 2025, personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dating footbridge at agad na ipinag-utos ang pagpapalit nito. “Nung nakita ito ng Pangulo talagang nadismaya siya. Ang sabi niya hindi dapat pinapahirapan ang pedestrian at mga komyuter kaya agad-agad ipinag-utos niya ang pagpapatanggal nitong Mt. Kamuning,” pahayag ni Dizon sa groundbreaking ceremony na dinaluhan din nina Quezon City Mayor Joy Belmonte at House Transportation Committee Chair Rep. Franz Pumaren.

Ang bagong footbridge ay idudugtong sa GMA-Kamuning MRT station at Kamuning Busway Station, na inaasahang magpapabilis sa paglipat ng mga commuter mula tren patungong bus. Bukod sa elevators, magkakaroon din ito ng mas malapad na hagdanan, bubong, overhangs, at security outposts para sa kaligtasan ng mga gumagamit.

Ang dating Kamuning footbridge, na itinayo noong 2018, ay umani ng batikos mula sa publiko dahil sa taas nitong halos katumbas ng apat hanggang limang palapag ng gusali. Maging ang hiking app na PinasPeaks ay isinama ito sa listahan ng mga “bundok” sa Metro Manila bilang biro sa hirap ng pag-akyat.

Sa bagong disenyo, umaasa ang DOTr na magiging modelo ito ng mas inklusibong pedestrian infrastructure sa EDSA. “Malinaw naman ang utos ng Pangulo na gawing mas convenient ang facilities natin para sa pedestrians at commuters. At ‘yan ang gagawin natin,” giit ni Dizon.

Larawan mula sa DOTr/Facebook