Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bypass road sa Mauban, Itinuturong sanhi ng baha sa poblacion

Ipinost noong 2025-08-30 20:37:35 Bypass road sa Mauban, Itinuturong sanhi ng baha sa poblacion

Mauban, Quezon — Tinutukoy ngayon ng Lokal na Pamahalaan ng Mauban na ang ginagawang bypass road sa Brgy. Soledad ang pangunahing dahilan kung bakit naiipon ang tubig-baha sa poblacion area tuwing malalakas ang buhos ng ulan.

Ayon sa LGU  mula sa bypass road dumadaloy ang tubig patungo sa Tarapichi Creek, at kapag umaapaw ito, direkta namang bumabaha sa kabayanan. Bukod dito, kapansin-pansin umano ang mapulang putik na iniiwan ng baha, na sinasabing nagmula sa lupang hinukay para sa naturang proyekto.

Batay sa tala, umabot sa ₱76 milyon ang pondong inilaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang maipagpatuloy at matapos ang konstruksiyon ng bypass road. Gayunpaman, nananatili ang pangamba ng mga residente dahil sa lumalalang pagbaha at pinsalang idinudulot nito sa kabuhayan at imprastraktura ng bayan.

Samantala, tiniyak ng LGU sa pangunguna ng Punong bayan Bautista Erwin Dwight Pastrana, na patuloy silang makikipag-ugnayan sa DPWH at sa mga kontraktor upang matiyak na mabibigyan ng kaukulang solusyon ang problema bago pa man tuluyang makumpleto ang proyekto.

“Hindi namin tinututulan ang development, pero dapat siguraduhin na hindi nito ikapapahamak ng ating mga mamamayan,” pahayag ng isang opisyal ng bayan.

Patuloy namang umaasa ang mga taga-Mauban na maisasabay sa konstruksyon ng bypass road ang flood-mitigation measures upang hindi na maulit ang pagbaha sa kabayanan.

larawan/facebook