Bumili ng Rolls-Royce dahil lang sa payong? DPWH kontratista, tila nag-self destruct sa pagbulgar ng luho
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-01 17:59:17
SETYEMBRE 1, 2025 — Sa ngayo’y viral na vlog ni Julius Babao, umamin si Sarah Discaya — isang kilalang kontratista ng Department of Public Works and Highways (DPWH) — na binili niya ang isang Rolls-Royce Cullinan, hindi dahil sa makina, hindi dahil sa disenyo, at ni hinid dahil sa itsura, kundi dahil sa … payong.
“Natuwa ako sa payong nito, kaya ko siya nabili,” ani Discaya, sabay ngiti sa harap ng kamera.
Ang tinutukoy niyang payong ay ang iconic Rolls-Royce umbrella — isang mamahaling accessory na nakatago sa pinto ng sasakyan. Gawa ito sa high-quality fabric, may polished color-tone handle, at may monogram ng Rolls-Royce.
Ang presyo? Nasa $700 hanggang $1,200 kada piraso.
Hindi ito basta payong — ito ay simbolo ng karangyaan, exclusivity, at hindi para sa ordinaryong mamamayan.
Habang ang mga Pilipino ay lumulusong sa baha, literal na nilililiman ng mga mamahaling payong ang ilan sa mga pinaka-kontrobersyal na personalidad sa gobyerno. Sa gitna ng imbestigasyon sa flood control projects na pinondohan ng bilyon-bilyong piso ng bayan, ang pamilyang Discaya ay patuloy na nagpapasikat ng kanilang koleksiyon ng luxury cars — mula Maserati, Mercedes-Benz, Bentley, hanggang Porsche.
Pero kung payong lang ang usapan, hindi ba’t mas masaya kung may karakter, may kwento, at higit sa lahat — mas mura ang bibilhin mo?
Dito tayo sa paraktikal! Narito ang ilang payong mula sa Shopee at Lazada na hindi lang quirky, kundi mas kapansin-pansin kaysa sa mamahaling Rolls-Royce umbrella ni Sarah Discaya:
- Creative Cabbage Umbrella - Mukhang sariwang repolyo, pero UV-protected at waterproof. Isa itong conversation starter na siguradong mapapansin sa kalsada at lalo na sa beach.
Presyo: ₱478
- Umbrella Hat - Sinusuot ito sa ulo. Hands-free, foldable, at perfect para sa mga naglalakad sa ulan habang may bitbit. Mukha kang alien, pero at least hindi ka basa.
Presyo: ₱69
- Magic Folding Flowering Umbrella - Nagbubukas na parang bulaklak, may UV protection, at windproof. Pang-Instagram, pang-araw-araw, at pang-masa.
Presyo: ₱88
- Katana Black Samurai Sword Handle Umbrella - Mukhang espada ng samurai, pero payong pala! May long handle na parang hawakan ng katana, perfect para sa mga mahilig sa anime o gustong mag-feeling warrior habang lumulusong sa ulan (at baha).
Presyo: ₱197
- Couple Umbrella - Para sa mga mag-jowa o magkaibigan na ayaw mabasa, ito ang oversized umbrella na may double layer — parang bubble na pang-romansa sa gitna ng ulan (at syempre, baha).
Presyo: ₱905
Kung ang Rolls-Royce umbrella ay ‘tahimik’ na luho, ang mga ito ay sigaw ng personalidad. At sa presyong hindi lalampas sa ₱1,000, mas may silbi, mas masaya, at mas relatable sa tunay na buhay ng mga Pilipino.
Gusto mo pa bang dagdagan ang listahan? May mga payong pa tayong hindi pa nabubuksan — literally at figuratively.
Ang tanong ngayon ng bayan: kung ang payong ang dahilan ng pagbili ni Sarah ng Rolls-Royce, sino nga ba ang tunay na nababasa ngayon — siya ba, o ang sambayanang Pilipino?
(Larawan: Facebook)