Dizon humiling ng courtesy resignation ng lahat ng opisyal ng DPWH, 'top to bottom'
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-01 12:06:03
MANILA — Sa kanyang unang araw bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), inanunsyo ni Secretary Vince Dizon ang isang malawakang reporma sa ahensya, kabilang ang paghingi ng courtesy resignation ng lahat ng opisyal mula “top to bottom.”
Sa isang Palace briefing nitong Lunes, sinabi ni Dizon na kabilang sa mga hihingan ng pagbibitiw ay ang mga undersecretaries, assistant secretaries, division heads, regional directors, at district engineers sa lahat ng tanggapan ng DPWH sa buong bansa. “We will ask for the courtesy resignation of all officials, from top to bottom,” pahayag ni Dizon.
Ang hakbang ay bahagi ng tinatawag niyang “full organizational sweep” upang linisin ang ahensya sa gitna ng mga alegasyon ng korapsyon, partikular sa mga flood control projects na umabot sa ₱545 bilyon mula 2022 hanggang 2025.
Bukod sa mga opisyal ng DPWH, binigyang-diin din ni Dizon ang accountability ng mga pribadong kontratista. “All contractors found guilty of implementing ghost projects will face automatic lifetime blacklisting from government projects,” aniya. Ang tinutukoy na “ghost projects” ay mga proyektong pinondohan ngunit walang aktuwal na konstruksyon o benepisyong naibigay sa publiko.
Ayon sa ulat ng Malacañang, 15 kontratista lamang ang nakakuha ng halos ₱100 bilyon sa flood control contracts mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025, sa kabila ng mahigit 2,400 rehistradong kontratista sa bansa.
Kasabay ng reporma sa DPWH, sinabi rin ni Dizon na kanyang iuutos ang isang “sweeping revamp” sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), ang ahensyang nangangasiwa sa accreditation ng mga kontratista. Layunin nito na matiyak ang transparency at integridad sa pagpili ng mga kontratista para sa mga proyektong pampubliko.
Ang appointment ni Dizon ay kasunod ng pagbibitiw ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, na sinabing sumusuporta siya sa panawagan ng Pangulo para sa transparency at reporma sa ahensya.
Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., itinatag din ang isang Independent Commission to Investigate Flood Control Anomalies upang magsagawa ng masusing pagsusuri sa mga proyekto at magrekomenda ng mga hakbang para sa accountability.
Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng administrasyon para sugpuin ang korapsyon at ibalik ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.