DSWD, target palawakin ang food stamp program mula 300,000 hanggang 600,000 beneficiaries bago matapos ang 2025
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-03 23:58:55
MANILA — Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kanilang doblehin ang bilang ng mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program (WGP) mula 300,000 tungo sa 600,000 bago matapos ang taong 2025, matapos makita ang positibong epekto nito sa mga pamilyang kabilang sa pinakamahirap na sektor.
Ayon kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, malinaw ang resulta ng programa sa pagbaba ng insidente ng kagutuman sa bansa. Sa ulat ng Social Weather Stations (SWS), bumaba sa 41.5% noong Marso 2025 ang hunger prevalence ng mga benepisyaryo ng WGP — mula 48.7% noong Oktubre 2024 at 44.6% noong Disyembre 2024.
“We are pleased with the favorable results that clearly show the positive impact of the WGP on the food-poor beneficiaries. Consequently, we will continue to develop ways to make the program more responsive to address the food insecurity of the program’s beneficiaries,” pahayag ni Gatchalian.
Pinakamalaking pagbaba ang naitala sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM)-Plus cluster, kung saan bumaba ng 17.4 percentage points ang insidente ng gutom. Halos isang-katlo ng mga kasalukuyang benepisyaryo ay mula sa rehiyong ito na matagal nang nakararanas ng matinding kahirapan.
Upang matiyak ang pagpapatuloy ng proyekto, inilaan ng pamahalaan ang P1.89 bilyon sa pondo ng DSWD ngayong taon para sa implementasyon ng food stamp program, at kaparehong halaga rin ang hihilingin ng ahensya para sa susunod na taon.
Ang survey na tinaguriang “Walang Gutom Tracker” ay kinomisyon ng Globe Telecom at Monde Nissin Corp., katuwang ang DSWD, upang masukat ang epekto ng programa sa iba’t ibang rehiyon at probinsya.
Sa pamamagitan ng pagpapalawak ng WGP, umaasa ang DSWD na mas maraming pamilyang Pilipino ang matutulungang makatawid sa gutom at magkaroon ng mas maayos na pamumuhay. (Larawan: DSWD)
