Garma pumayag tumestigo laban kay Duterte, nakipagpulong sa ICC sa Malaysia – DOJ
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-09 14:58:39
Setyembre 9, 2025 — Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pumayag si dating Police Colonel at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma na maging testigo laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Remulla, bumiyahe si Garma patungong Malaysia matapos bumalik mula sa Estados Unidos upang makipagpulong sa mga kinatawan ng ICC. Sinabi ng kalihim na dumalo si Garma sa pagpupulong bilang turista, base na rin sa tala ng Bureau of Immigration.
“I think she has agreed to be a witness,” pahayag ni Remulla, kasabay ng kumpirmasyon na hiniling mismo ng ICC na makausap si Garma bilang posibleng saksi.
Nauugnay si Garma sa pagdinig ng Joint Congressional Oversight Committee on the Drug War, kung saan inihayag niyang personal na iniutos ni Duterte noong Mayo 2016 na humanap siya ng opisyal ng pulisya na kayang ipatupad ang tinaguriang “Davao model” sa kampanya kontra droga. Ayon sa kanyang testimonya, kabilang sa modelong ito ang pagbibigay ng insentibo sa mga operasyong nagreresulta sa pagkamatay ng mga suspek.
Dagdag ni Remulla, mahalagang mapangalagaan ang kaligtasan ni Garma dahil sensitibo ang kanyang magiging papel sa kaso. Iginiit din niya na hindi ligtas kung sa Pilipinas magaganap ang pakikipagpulong sa ICC, kaya’t isinagawa ito sa labas ng bansa.
Si Garma ay naunang nanirahan sa Estados Unidos ngunit bumalik sa Pilipinas matapos maunsiyami ang kanyang asylum application. Ilang araw lamang ang lumipas, nagtungo siya sa Malaysia para sa nasabing pagpupulong.
Patuloy ang proseso ng ICC kaugnay ng umano’y libu-libong kaso ng extrajudicial killings sa ilalim ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte. Ang pagpayag ni Garma na tumestigo ay nakikitang magbibigay ng bigat sa isinasagawang imbestigasyon ng internasyonal na korte