‘Hitman’ nagbanta? Ex-DPWH engineer humiling ng seguridad mula sa Kamara
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-09 14:43:53
Setyembre 9, 2025 – Humiling ng proteksyon mula sa Kamara ang dating Department of Public Works and Highways (DPWH) engineer na si JP Mendoza matapos niyang ihayag na nakatanggap siya ng banta bago humarap sa pagdinig ng House Committee on Infrastructure (InfraComm) kaugnay ng isyu ng umano’y maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Mendoza, nakatanggap siya noong Setyembre ng isang mensahe sa Viber mula sa taong nakapangalan bilang “Hitman.” Ikinuwento niyang bago pa man ang kanyang pagtestigo, may natanggap din siyang tawag mula sa parehong contact. “MAY NAG-MESSAGE NA SA AKIN SA VIBER, ANG NAKA-NAME SA VIBER IS ‘HITMAN,’” aniya. Giit niya, malinaw na pagtatangka itong takutin siya at patahimikin kaugnay ng kanyang mga isisiwalat.
Bilang tugon, sinabi ni Rep. Terry Ridon na hindi papayagan ng Kamara na manatiling lantad sa banta ang isang testigo na tumutulong sa pagtukoy ng katiwalian sa flood control projects. Aniya, nakahanda ang Kongreso na magbigay ng sapat na proteksyon hindi lamang kay Mendoza kundi pati na rin sa kanyang pamilya, upang matiyak na walang makakapigil sa kanilang pakikipagtulungan sa imbestigasyon.
Si Mendoza ay kabilang sa mga dating opisyal ng DPWH na nagsiwalat ng mga umano’y iregularidad sa pagpapatupad ng mga flood control projects, na sinasabing sangkot ang ilang mambabatas at contractor. Ang kanyang testimonya ay bahagi ng patuloy na imbestigasyon ng InfraComm, na layong tukuyin ang lawak ng katiwalian at ang mga indibidwal na posibleng managot.
Sa harap ng banta, nanawagan si Mendoza ng mas malawak na suporta at proteksyon mula sa mga awtoridad upang hindi na maulit ang ganitong mga insidente laban sa mga whistleblower. Pinatitibay nito ang panawagan ng publiko para sa mas malinaw at mahigpit na aksyon laban sa korapsyon sa mga proyektong pinopondohan ng taumbayan.
Iginiit ng Kamara na ipagpapatuloy nito ang imbestigasyon sa kabila ng mga tangkang pananakot, at tiniyak na pananagutin ang sinumang mapapatunayang nasa likod ng mga anomalya at pagbabanta laban sa mga testigo.