Korina Sanchez uli? Netizens inurirat ang interbyu nya kay Sylvia Sanchez at sa marangyang buhay ng mga Atayde
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-09 08:55:19
MANILA — Sa gitna ng kontrobersiyang kinahaharap ni Congressman Arjo Atayde kaugnay ng umano’y flood control scam, muling naging usap-usapan ang pamilya Atayde matapos halungkatin ng mga netizens ang panayam ni Korina Sanchez kay beteranang aktres Sylvia Sanchez sa Korina Interviews.
Sa episode, ipinakita ni Sylvia ang kanilang beachfront family resort, kung saan makikita siyang masayang nakasakay sa jetski. Ipinakita rin ang kanilang yacht, na lalong nagpaigting sa tanong ng publiko tungkol sa pinagmulan ng kanilang yaman.
Hindi nagtagal, inungkat din ng mga netizens ang isang naunang panayam ni Sylvia kay Karen Davila, kung saan ipinakita ang kanilang mansion na noon ay nasa ilalim pa ng konstruksyon. Sa nasabing house tour, ibinahagi ni Sylvia ang ilang bahagi ng kanilang tahanan at ang pamumuhay nila kasama ang mga anak.
Ang timing ng mga interbyu ay hindi nakaligtas sa mata ng publiko, lalo na’t kasalukuyang iniimbestigahan si Arjo Atayde sa Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y 10% hanggang 25% kickbacks mula sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ayon sa mag-asawang kontratista na sina Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya, kabilang si Atayde sa mga mambabatas na umano’y nakinabang sa scheme.
Mariing itinanggi ni Atayde ang mga paratang: “I categorically deny the allegation that I benefited from any contractor. I have never dealt with them. Hindi po totoo ang mga akusasyon na ito,” aniya sa Instagram. Sinundan ito ng pahayag ng kanyang asawa, Maine Mendoza, na nanindigang walang ginagawang masama si Arjo.
Sa social media, maraming netizens ang nagpahayag ng pagkabahala at galit. “Jetski, yacht, mansion—pero ang tanong, galing ba sa buwis ng bayan?” ani ng isang komento. Ang iba naman ay nanawagan ng masusing lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno.
Habang patuloy ang imbestigasyon, nananatiling mainit ang mata ng publiko sa mga personalidad na nasasangkot. Sa ngayon, tahimik si Sylvia Sanchez ukol sa isyu, habang ang mga interbyu niya ay patuloy na pinag-uusapan online.