‘Nagpa-palpitate’: Sarah Discaya bigong humarap sa House InfraComm hearing
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-09 15:41:46
Setyembre 9, 2025 – Hindi sumipot sa pagdinig ng House Committee on Infrastructure si Sarah Discaya, tinaguriang “Flood Control Queen,” nitong Martes, Setyembre 9, 2025, sa kabila ng inilabas na subpoena laban sa kaniya.
Ayon sa kaniyang asawa na si Pacifico “Curlee” Discaya, nakaranas umano ng palpitations at mababang insulin levels si Sarah dahil sa matinding stress kaya’t pinili nitong manatili sa bahay. Dagdag pa ni Curlee, nag-aalala ang kaniyang asawa para sa sariling kaligtasan at inaalagaan din ang kanilang apat na anak na apektado ng sitwasyon.
Gayunman, kinumpirma ng komite na wala silang natanggap na pormal na excuse letter mula sa mag-asawa upang ipaliwanag ang hindi pagdalo.
Pinagtuunan ng imbestigasyon ang mga kumpanyang pagmamay-ari ni Discaya na nakakuha ng bilyon-bilyong pisong kontrata para sa mga flood control project. Aminado ang negosyante na siya ang may-ari ng siyam na construction firms na lumahok sa parehong bidding para sa iisang proyekto, na nagbunsod ng pangamba hinggil sa conflict of interest at posibleng anomalya.
Ayon kay InfraComm co-chair Rep. Terry Ridon, patuloy ang pagbusisi ng komite sa malawak na kontratang hawak ng mga kumpanyang konektado kay Discaya. Inaasahang ipapatawag muli siya upang humarap at magsumite ng paliwanag hinggil sa naturang mga proyekto.