Pag-upo ni Sotto bilang Senate President, nagbunsod ng bagong Majority at Minority Blocs
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-09 18:03:06
MANILA — Nabuo kahapon ang bagong majority at minority blocs sa Senado matapos mahalal si Senador Vicente “Tito” Sotto III bilang Senate President kapalit ni Senador Francis “Chiz” Escudero. Ang pagbabago sa liderato ay nagresulta sa panibagong pagkakaayos ng mga hanay sa mataas na kapulungan.
Si Sotto ay nahalal matapos aprubahan ng 15 senador ang mosyon na ideklara ang puwesto ni Escudero bilang bakante. Pumayag mismo si Escudero sa naturang hakbang bago isinagawa ang botohan. Kaakibat ng pagbabagong ito, nahalal din si Senador Panfilo Lacson bilang Senate President Pro Tempore at si Senador Juan Miguel Zubiri bilang Majority Leader.
Kasama sa majority bloc sina Sotto, Lacson, Zubiri, Senadora Risa Hontiveros, at Senadora Loren Legarda. Ang grupo ang inaasahang magsusulong ng mga panukalang batas na prayoridad ng bagong liderato.
Samantala, nabuo rin ang siyam na miyembro ng minority bloc na pinamumunuan ni Senador Alan Peter Cayetano. Kabilang sa kanila sina Escudero, Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, Ronald “Bato” dela Rosa, Bong Go, Robin Padilla, Imee Marcos, at Rodante Marcoleta.
Ayon kay Estrada, ang mga kasapi ng minority bloc ay hindi pumirma sa resolusyong nagdeklarang bakante ang posisyon ng Senate President, dahilan upang sila ay ituring na oposisyon.
Binigyang-diin ni Sotto sa kanyang unang talumpati bilang Senate President ang kahalagahan ng integridad at paninindigan laban sa katiwalian, at tiniyak niyang pangungunahan niya ang Senado sa “isang direksiyon na may tiwala at katarungan.”
Ang mabilis na pagbubuo ng majority at minority blocs ay itinuturing na mahalaga upang malinaw na matukoy ang magiging daloy ng talakayan at paggawa ng batas sa pagbubukas ng bagong sesyon ng Kongreso.
Larawan: Sen. Risa Hontiveros/Office of Sen. Alan Peter Cayatano