Paolo Duterte binatikos ang paglihis ng usapin sa Flood-Control Hearing, iginiit na walang itinatago ang Davao
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-09 18:31:29
Davao City, Setyembre 9, 2025 — Mariing kinuwestiyon ni Davao City 1st District Representative Paolo Z. Duterte ang biglaang paglipat ng usapin sa imbestigasyon ng Kamara hinggil sa maanomalyang flood-control projects, matapos mabaling ang usapan sa ₱51 bilyong budget ng Davao City noong termino ng kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang opisyal na pahayag, iginiit ng kongresista na malinaw ang testimonya ng ilang opisyal ng DPWH at resource persons na nagsabing may nangyaring suhulan para sa ilang proyekto, ngunit sa halip na tutukan ito ay bigla umanong inilihis ang isyu.
“Anong klaseng hearing ba ito? Klaro na nga na mismong opisyal ng DPWH ang nagsabi na may payola, pero bakit biglang nadivert ang usapin? Imbes na papanagutin sila, ginawa pang isyu ang ₱51 bilyong budget para sa Davao,” giit ni Duterte.
Binatikos din niya si Rep. Chua at iba pang kongresista na aniya’y ginagamit ang pangalan ng pamilya Duterte para takpan ang tunay na anomalya. “Duterte nang Duterte! Huwag puro tutok sa Davao—tingnan ninyo ang mga distrito n’yo sa Luzon, nariyan ang baha at basura. Busisiin n’yo ang IRA allocations ng inyong mga LGU,” dagdag pa niya.
Ayon kay Duterte, walang itinatago ang Davao at bukas ito sa masusing imbestigasyon. “Kung gusto n’yo talagang hanapin ang ghost projects sa ₱51B, sige lang—imbestigahan lahat. Ipakita ang records, puntahan ang aktwal. Ang katotohanan ay nandoon—mga proyektong naitayo at nagagamit ng mga tao sa Davao,” aniya.
Hamon pa ng kongresista sa lahat ng kasamahan niya sa Kamara: “Ilabas ninyo lahat ng budget ninyo at ipakita sa taumbayan ang mga proyekto sa inyong distrito. Huwag puro salita—ipakita ninyo ang ebidensya ng trabaho ninyo para makita kung sino ang totoong nagserbisyo at sino ang nangurakot.”
Dagdag pa ni Duterte, siya mismo ay nagpakita ng aksyon laban sa katiwalian nang hilingin niya noon ang pagtanggal sa isang DPWH regional director dahil sa isyu ng right-of-way corruption. “That’s on record,” giit niya.
Sa huli, nanindigan si Duterte na huwag gamiting panakip-butas ang kanyang pamilya:
“Stop dragging the Dutertes to cover up your mess. Ituon ninyo sa totoong isyu—ang flood control anomalies, ang payola, at ang mga opisyal na mismong umamin na nanuhol sila. Davao’s projects are built on solid ground—maipagmamalaki ba ninyo ang pareho niyan sa mga distrito ninyo?”