Pasabog ni Brice Hernandez sa Kongreso: May mga senador na involved sa flood control corruption
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-09 10:45:57
MANILA — Sa pagdinig ng Kamara ngayong araw kaugnay ng kontrobersyal na flood control projects, nakiusap si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez na huwag na siyang ibalik sa Senado matapos ang kanyang pagdalo sa House probe. Ayon kay Hernandez, may mga senador umano na sangkot sa kontrobersiya, kaya’t nangangamba siyang hindi siya ligtas sa pagbabalik sa Senado.
“Kung maaari po, huwag na akong ibalik sa Senado. May mga senador pong involved,” pahayag ni Hernandez sa harap ng mga kongresista, na ikinagulat ng ilan sa mga dumalo sa pagdinig.
Si Hernandez ay dating nakatalaga sa Bulacan 1st District Engineering Office at isa sa mga pangunahing personalidad na iniimbestigahan kaugnay ng umano’y ghost flood control projects. Noong Setyembre 8, sa Senate Blue Ribbon Committee hearing, siya ay cited in contempt matapos paulit-ulit na tanggihan ang mga ebidensyang nag-uugnay sa kanya sa mga casino activities at paggamit ng pekeng ID sa ilalim ng pangalang “Marvin Santos de Guzman”.
Sa naturang pagdinig, ipinakita ng mga senador ang mga dokumento mula sa Okada Manila na nagpapakitang si Hernandez ay nanalo ng ₱6 milyon noong Marso, ngunit natalo ng ₱25 milyon noong Abril, ₱10 milyon noong Mayo, ₱14 milyon noong Hunyo, at ₱15 milyon noong Hulyo. Ipinakita rin ang driver’s license na may larawan ni Hernandez ngunit nakapangalan sa alias na “Marvin Santos de Guzman,” na ayon sa Land Transportation Office (LTO), ay hindi opisyal na lisensiyado.
Sa kabila ng mga ebidensyang ito, iginiit ni Hernandez: “I have never owned a license like that. What I remember is I went to Okada for a convention.” Dahil dito, inirekomenda ni Senador Erwin Tulfo ang contempt citation, na agad namang sinang-ayunan nina Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada at Blue Ribbon Chair Rodante Marcoleta.
Samantala, sa parehong Senate hearing, sinabi ng kontratistang si Pacifico “Curlee” Discaya na wala umanong senador ang humingi sa kanila ng pera kapalit ng proyekto. “No senator asked us for money,” ani Discaya, taliwas sa pahayag ni Hernandez ngayong araw sa Kamara.
Ang pagdinig sa flood control scam ay patuloy na lumalalim, at inaasahang mas marami pang pangalan ang mababanggit habang isinasagawa ang lifestyle checks at pagsusuri sa mga proyekto. Sa ngayon, nananatiling naka-custody si Hernandez sa Senado, maliban sa kanyang pansamantalang pagdalo sa Kamara bilang bahagi ng inter-parliamentary courtesy.