Vico Sotto sa mga Discaya: 'Ang sinungaling ay asawa ng magnanakaw'
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-09 11:42:50
MANILA — Sa pagdinig ng Kongreso ngayong araw kaugnay ng umano’y ₱100 bilyong flood control corruption scandal, diretsahang binanatan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, na tinaguriang “Hari at Reyna ng Flood Control,” matapos umanong magsinungaling sa kanilang mga pahayag tungkol sa mga kontrata ng DPWH.
Ayon kay Sotto, matagal nang kilala sa Pasig ang pamilya Discaya, partikular ang kanilang kompanyang St. Gerard Construction, na umano’y ginagamit maging sa kanilang pangangampanya. Lumalabas umano na may siyam na kumpanya ang mga Discaya na nakarehistro sa Pasig at ginagamit bilang dummies upang makakuha ng bilyon-bilyong kontrata mula sa gobyerno. Dagdag niya, halos lahat ng kumpanyang ito ay may tax deficiencies at si Curlee Discaya mismo ay nahatulan kamakailan sa dalawang kaso ng building code violations.
Pinabulaanan ni Sotto ang pahayag ng Discayas na 2-3% lamang ang kinikita nila sa bawat proyekto. “Kung totoo ang sinasabi nilang 2-3% lang ang kita nila, imposibleng magkaroon sila ng 11-digit na assets at mamahaling jade na nagkakahalaga ng halos ₱100 milyon. Simple lang ang logic, hindi kakasya,” ani Sotto. Idinagdag pa niya na hindi kapani-paniwala ang sinasabi ng Discayas na minsan ay nalulugi pa sila. “Walang matinong negosyante ang papasok sa kontrata kung alam nilang talo sila at walang kikitain,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Sotto na tinatayang umabot na sa ₱100 bilyon ang kabuuang halaga ng mga kontrata ng mga kumpanya ng Discayas, karamihan ay kaugnay ng mga flood control projects ng DPWH. Sa Pasig City, may ilang maliliit na proyekto ang mag-asawa, ngunit ayon kay Sotto, mas malalaki at mas malalaking halaga ang hawak nilang kontrata sa pambansang antas. Sa obserbasyon ng LGU, umaabot sa ₱30-₱31 bilyon ang halaga ng flood control projects ng DPWH, ngunit kapag pinagsama ang lahat ng hawak na kontrata ng mga Discaya, higit ito sa ₱100 bilyon.
Dagdag ni Sotto, ginagamit umano ng mag-asawa ang taktika ng pagpapalabo ng istorya upang lituhin ang publiko at iwasan ang tunay na isyu. “Gusto nilang guluhin ang kwento para hindi natin malaman kung ano ang totoo at ano ang hindi. Kapag naguluhan tayo, eventually, mawawala na lang ang issue na parang bula,” ani ng alkalde. Bagama’t naniniwala siyang may ilang pangalan sa listahan ng mga pulitikong binanggit ni Curlee Discaya na totoo, binigyang-diin ni Sotto na kinakailangan pa rin ng matibay na ebidensya. Sa kanyang karanasan umano, kaya umanong magsinungaling ng mag-asawa “nang walang kahirap-hirap.”
Sa pagtatapos, hinimok ni Sotto ang publiko na maging mapanuri sa mga lumalabas na impormasyon hinggil sa flood control scam. Ayon sa alkalde, mahalagang manatiling maingat at mapanuri upang hindi malihis ang imbestigasyon at matabunan ang katotohanan sa likod ng anomalya.
