Diskurso PH
Translate the website into your language:

Hontiveros, itinanggi ang pagkakasangkot sa umano’y anomalya sa PhilHealth

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-10 19:40:10 Hontiveros, itinanggi ang pagkakasangkot sa umano’y anomalya sa PhilHealth

Setyembre 10, 2025 – Itinanggi ni Senadora Risa Hontiveros ang mga paratang na idinadawit ang kanyang pangalan sa umano’y iregularidad sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).


Ayon kay Hontiveros, walang basehan ang mga kumakalat na balita at impormasyon sa social media na iniuugnay siya sa nasabing ahensya. Mariin niyang binigyang-diin na hindi siya sangkot sa anumang anomalya.


Iginiit ng senadora na nagsilbi lamang siyang miyembro ng board ng PhilHealth mula 2014 hanggang 2015 at wala siyang partisipasyon sa mga isyung naganap bago o matapos ang kanyang panunungkulan.


Dagdag pa niya, ilang ulit na siyang biktima ng maling impormasyon at paminsan-minsan ay tinutuligsa gamit ang bansag na “PhilHealth Queen.” Bunsod nito, nanawagan siya sa publiko na maging mapanuri at huwag basta-basta maniwala sa mga nababasa at nakikita online.


Bukod sa kanyang paglilinaw, pinasalamatan din ni Hontiveros ang mga nagsasagawa ng fact-checking upang maitama ang maling balita.


Matatandaang noong mga nakaraang taon, nanawagan ang senadora ng imbestigasyon hinggil sa paggamit ng pondo ng PhilHealth, partikular sa mga ulat ng tinatawag na ghost dialysis claims. Iginiit niya noon na hindi dapat hayaang mawaldas ang pondo ng institusyon na dapat ay nakalaan sa serbisyong pangkalusugan para sa mamamayan.


Larawan: Sen. Risa Hontiveros Facebook