Manila SK Federation, iginiit na lehitimo ang Thailand training para sa HIV awareness
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-12 22:24:12
MANILA — Pinagtanggol ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation ng Lungsod ng Maynila ang kanilang isinagawang pagsasanay sa Bangkok, Thailand matapos umani ng batikos sa social media ang ilang larawang nagpakitang tila namamasyal ang mga delegado.
Ayon kay Juliana Ibay, pangulo ng Manila SK Federation, hindi bakasyon ang kanilang biyahe kundi bahagi ng programang pangkaalaman na nakatuon sa pag-aaral ng mga hakbang ng Thailand laban sa pagkalat ng HIV.
“Isa itong training na may kinalaman sa HIV awareness. Malaki ang problema ng Maynila sa usaping ito, lalo na sa mga lugar na kapos sa impormasyon at serbisyo. Kaya mahalaga na matuto kami sa mga karanasan ng ibang bansa,” paliwanag ni Ibay.
Mula sa 896 na SK leaders ng Maynila, 667 ang lumahok sa tatlong araw na pagsasanay na isinagawa nang hati-hati sa siyam na batch mula Setyembre 6 hanggang 24. Bawat kalahok ay binigyan ng tig-₱33,900 para sa gastusin sa seminar, pagkain, tirahan, at transportasyon. Mayroon din silang ₱6,000 na daily allowance alinsunod sa patakaran ng pamahalaan.
Giit ni Ibay, ang lahat ng kinakailangang dokumento para sa opisyal na biyahe ay nakumpleto at aprubado ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila. Pagbalik sa bansa, obligadong magsumite ng ulat at plano ang mga kalahok upang maipatupad ang kanilang natutunan sa kani-kanilang barangay.
Aminado si Ibay na hindi lamang puro seminar ang isinagawa dahil bahagi rin ng programa ang “cultural exposure” sa Thailand. Gayunman, iginiit niyang may malinaw na kaugnayan pa rin ito sa kanilang layunin.
“Hindi lang ito pamamasyal. Mayroon kaming mga natutunan tungkol sa HIV at may dagdag na kaalaman mula sa kultura ng ibang bansa,” dagdag niya.
Ngunit umani ng negatibong reaksyon ang ilang larawang ipinalabas sa social media, dahilan para agad itong burahin ni Ibay. “Ayokong madagdagan pa ang galit ng tao lalo na sa dami ng isyu ngayon. Natututo rin naman po kami bilang mga kabataan,” sabi niya.
Samantala, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na hinihintay pa ng kagawaran ang opisyal na ulat bago magbigay ng pinal na pahayag. “Kailangan naming malaman kung saan galing ang pondo at paano ito ginamit,” aniya.
Ayon naman kay Dr. Ela Atienza, propesor sa University of the Philippines, pinapayagan ng batas ang mga kabataang opisyal na dumalo sa pagsasanay sa loob o labas ng bansa, basta’t may malinaw na layunin at nakabatay sa patakaran ng gobyerno.
Ngunit binigyang-diin niya na mahalaga ring isaalang-alang ng mga opisyal ang pananaw ng publiko. “Kung mas nangingibabaw sa nakikita ng tao ang pamamasyal, maaaring mabura ang tunay na layunin ng programa. Ang mga SK ay itinuturing pa ring mga lingkod-bayan, kaya’t may inaasahang pamantayan sa kanilang kilos,” paliwanag ni Atienza.