Marcoleta, tinanong PhilSA kung kaya raw mahanap si Zaldy Co
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-18 08:55:46
MANILA — Sa gitna ng pagdinig sa badyet ng Philippine Space Agency (PhilSA), nagtanong si Senador Rodante Marcoleta kung posible bang gamitin ang satellite technology ng ahensya upang matukoy ang kinaroroonan ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na kasalukuyang nasa gitna ng kontrobersya kaugnay ng flood control scam.
“We want to know nasaan ang mga coordinates… Pwede niyo bang ma-detect ngayon kung nasaan si Zaldy Co?” tanong ni Marcoleta sa mga opisyal ng PhilSA, habang tinatalakay ang potensyal ng Multispectral Unit for Land Assessment (MULA) satellite sa pagsugpo ng korapsyon.
Ang tanong ay isinagawa sa konteksto ng mas malawak na diskusyon kung paano magagamit ang satellite data upang matukoy ang mga ghost projects, substandard infrastructure, at iba pang anomalya sa mga proyektong pinopondohan ng gobyerno.
Ayon kay PhilSA Deputy Director General Gay Jane Perez, ang MULA satellite ay may kakayahang kumuha ng updated images ng mga river systems at iba pang lokasyon sa bansa, ngunit hindi nito saklaw ang real-time tracking ng mga indibidwal.
Samantala, kinumpirma sa hiwalay na ulat na wala na sa Pilipinas si Co, na umano’y lumipad patungong Estados Unidos para sa medical treatment. May mga ulat pa na nagpalit siya ng pangalan habang nasa abroad, ayon kay Rep. Ronaldo Puno, na nanawagan na ibalik si Co sa bansa “forcibly if necessary” upang harapin ang mga paratang sa flood control scam.
Ang tanong ni Marcoleta ay nagbunsod ng diskusyon sa Senado kung dapat bang palawakin ang mandato ng PhilSA upang tumulong sa mga imbestigasyon ng katiwalian, gamit ang satellite imaging at data analytics.
Bagama’t hindi pa ito bahagi ng kasalukuyang kapasidad ng ahensya, sinabi ng PhilSA na patuloy silang nagde-develop ng teknolohiya upang mas mapalawak ang aplikasyon ng kanilang satellite systems sa public governance.
Ang MULA satellite ay inaasahang ilulunsad sa 2026, at bahagi ng ₱2.6 bilyong pondo ng PhilSA para sa satellite development, licensing, launch, at training ng mga inhinyero. Target ng ahensya na magkaroon ng constellation ng apat na MULA satellites upang masakop ang buong bansa.
