Diskurso PH
Translate the website into your language:

Chavit, nag-ingay kontra korapsyon — pero sariling mga kontrata, abot bilyon-bilyon?

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-19 20:50:31 Chavit, nag-ingay kontra korapsyon — pero sariling mga kontrata, abot bilyon-bilyon?

SETYEMBRE 19, 2025 — Nagpatawag ng press conference si dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson nitong Setyembre 19 sa Club Filipino, San Juan City, upang ilunsad ang “Marcos Alis Dyan Movement” — isang kampanyang umano’y laban sa katiwalian. Ngunit sa halip na magbigay-linaw, mas lalong lumutang ang mga tanong sa motibo ng kilusan.

Sa gitna ng kanyang panawagan para sa rebolusyon kontra korapsyon sa Setyembre 21, inamin mismo ni Singson na pag-aari ng kanilang pamilya ang Satrap Construction, isang kumpanyang nakakuha ng 62 kontrata sa Ilocos Sur mula 2016 hanggang 2025 na may kabuuang halagang ₱2.7 bilyon. 

Sa panahong iyon, ang kanyang anak na si Ryan Luis Singson ang gobernador mula 2016 hanggang 2022, habang ang kapatid niyang si Jerry Singson ang kasalukuyang gobernador simula 2022.

Bukod pa rito, lumutang ang ulat mula sa Hankyoreh, isang Koreanong pahayagan, na nagsasabing ang LCS Group ni Singson ay dapat sanang kalahok sa PBBM Bridges Project na nagkakahalaga ng ₱28.3 bilyon. Dahil sa kontrobersya, kinansela ng South Korea ang pautang para sa proyekto.

Sa parehong press conference, binatikos ni Singson ang mga contractor sa Ilocos Norte, partikular ang mga Discaya-linked firms, at hinimok ang mga estudyante na pangunahan ang protesta. 

Subalit, sa kabila ng kanyang galit sa umano’y korapsyon, siya mismo ay isang malaking contractor na may koneksyon sa mga proyekto ng gobyerno.

Hindi rin nalimutan ng publiko ang kanyang pag-amin na may sama ng loob siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa hindi pagbibigay ng pabor tungkol sa PCSO, at ang kanyang umano’y utang na loob kay Vice President Sara Duterte.

Sa mata ng marami, ang “Marcos Alis Dyan Movement” ni Singson ay tila hindi simpleng kampanya laban sa katiwalian, kundi isang hakbang upang palitan ang kapangyarihan — pabor sa isang kaalyado.

(Larawan: Luis Chavit Singson| Facebook)