Diskurso PH
Translate the website into your language:

Isang nanay na nangunguha lang sana ng pang-ulam sa bakawan, patay matapos kuyugin ng mga turong (tropical hornet)

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-24 23:26:12 Isang nanay na nangunguha lang sana ng pang-ulam sa bakawan, patay matapos kuyugin ng mga turong (tropical hornet)

PUERTO PRINCESA CITY — Trahedya ang sinapit ng isang ina ng anim matapos siyang kuyugin at kagatin ng maraming turong habang nangunguha lamang ng pang-ulam sa bakawan sa Sitio Marambuawaya, Barangay Kamuning.

Kinilala ang biktima na si Analiza C. Badong, 42-anyos, na namatay matapos magtamo ng halos 100 kagat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente bandang alas-4 ng hapon noong Linggo, Setyembre 20, habang kasama niya ang pang-apat niyang anak na menor de edad. Agad na isinugod si Badong sa Ospital ng Palawan, ngunit binawian ng buhay kinabukasan, Setyembre 21, dahil sa tindi ng pinsala at komplikasyong dulot ng mga kagat.

Napag-alaman mula sa mga kaanak na matagal nang nakagawian ng biktima ang mangalap ng pagkain sa bakawan para maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi inaasahang mauuwi sa trahedya ang simpleng pang-uulam.

Samantala, iniwan ng biktima ang anim na maliliit na anak na ngayo’y naulila at nangangailangan ng tulong. Ayon sa mga residente, bihira umanong umatake ng ganito ang mga turong, ngunit nanawagan sila sa mga awtoridad na magsagawa ng hakbang upang maiwasan ang pag-uulit ng naturang pangyayari. (Larawan: Wikipedia / Google)