Diskurso PH
Translate the website into your language:

Lahat ng bank accounts ng mag-asawang Discaya, frozen na

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-01 11:01:19 Lahat ng bank accounts ng mag-asawang Discaya, frozen na

SETYEMBRE 30, 2025 — “Financially constrained” na ang contractor couple na sina Curlee at Sarah Discaya matapos kumpirmahin ng kanilang abogado na lahat ng kanilang bank account ay frozen na.

Sa isang ambush interview sa tanggapan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), sinabi ni Atty. Cornelio Samaniego III na wala pang napag-uusapan ukol sa pagsasauli ng mga mamahaling sasakyan ng mag-asawa, taliwas sa ginawa ni dating DPWH-Bulacan assistant district engineer Brice Hernandez.

“We won’t be returning anything because the account has already been frozen. So we haven’t discussed that yet,” pahayag ni Samaniego. 

(Wala kaming isasauli dahil na-freeze na ang account. Kaya hindi pa napag-uusapan.)

“They are financially constrained now. Their bank accounts have been frozen. All their bank accounts have been frozen,” dagdag pa niya. 

(Kapos na sila sa pera ngayon. Na-freeze na ang kanilang mga bank account. Lahat ng account nila ay na-freeze.)

Dumalo ang Discaya couple sa pagdinig ng ICI kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects. Ayon kay Samaniego, nagsalita nang buo ang mag-asawa sa hearing at inaasahang babalik sila sa susunod na linggo bilang resource persons.

Nang tanungin kung kasama rin sa na-freeze ang mga ari-arian ng Discayas, sinabi ng abogado na wala pa silang natatanggap na impormasyon ukol dito.

Matatandaang inanunsyo ng Anti-Money Laundering Council na na-freeze na ang bank accounts ng mga indibidwal na may kaugnayan sa mga reklamong katiwalian sa mga proyekto ng flood control.

Patuloy ang imbestigasyon ng ICI sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno na may kaugnayan sa flood control, kung saan kabilang ang pangalan ng Discayas sa mga iniimbestigahan.

(Larawan: Philippine News Agency)