Guro pinatay ng LGBTQIA+ na jowa dahil sa aso
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-10 09:28:03
CEBU — Isang guro sa Talisay City ang nasawi matapos umanong pagsasaksakin ng kanyang live-in partner na babae sa gitna ng mainitang pagtatalo kaugnay ng nawawalang alagang aso, ayon sa ulat ng Cebu Police Provincial Office.
Kinilala ang biktima na si Melanie Lee Lastimosa, guro sa Lawaan Elementary School, na nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang suspek ay si Katherine Retita, 42-anyos, miyembro ng LGBTQIA+ community, na nasakote ng mga awtoridad matapos ang insidente.
Ayon sa imbestigasyon, naganap ang krimen noong Lunes ng gabi, Oktubre 7, sa apartment ng mag-live-in partner sa Brgy. Tubod, Minglanilla, Cebu. Nagsimula ang pagtatalo nang makalabas ang alagang aso ni Retita, na ikinagalit nito sa kanyang partner. Matapos mahanap ang aso, nagpatuloy ang tensyon hanggang sa nag-inom si Retita sa labas ng bahay, habang isinara naman ni Lastimosa ang pinto.
Nang kumatok si Retita, hindi siya pinagbuksan, kaya nagkunwari itong natuklaw ng ahas upang makumbinsi si Lastimosa na buksan ang pinto. Pagkapasok, muling nagtalo ang dalawa hanggang sa humagip ng kutsilyo ang suspek at sunud-sunod na sinaksak ang biktima.
Isinugod si Lastimosa sa Minglanilla District Hospital, ngunit idinaklara siyang dead-on-arrival.
Si Retita ay kasalukuyang nakakulong sa detention cell ng Minglanilla Police Station at nahaharap sa kasong murder. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng insidente.
Nanawagan ang lokal na pamahalaan at mga grupo ng guro ng katarungan para kay Lastimosa, at muling iginiit ang kahalagahan ng mental health support at domestic violence prevention, anuman ang kasarian o oryentasyon ng mga sangkot.