Remulla, babawiin ang restriksyon sa SALN; lifestyle check, muling bubuhayin
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-10 16:52:05
OKTUBRE 10, 2025 — Sa unang araw ng panunungkulan ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla, inanunsyo niyang babawiin ang patakaran ng dating administrasyon na naglimita sa pag-access ng publiko sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno.
Ayon kay Remulla, maglalabas siya ng memorandum sa susunod na linggo upang muling payagan ang publiko na humiling ng kopya ng SALN, basta’t may malinaw na layunin at hindi ito gagamitin sa paninira.
“I will ask them to make available the information. But of course we need requesting parties to ask for the information,” pahayag ni Remulla sa press briefing nitong Oktubre 10.
(Hihilingin kong ilabas ang impormasyon. Pero siyempre, kailangan munang humiling ang mga interesado.)
Dagdag pa niya, “I want to open this to the public. I want to open this office to the public (Gusto kong buksan ito sa publiko. Gusto kong buksan ang opisina para sa bayan), kasi dapat ito sumbungan ng bayan eh.”
Ang SALN ay dokumentong itinatakda ng Republic Act No. 6713 upang masubaybayan ang yaman ng mga lingkod-bayan.
Sa ilalim ng dating Ombudsman Samuel Martires, naging mahigpit ang pagkuha nito — kinailangan ng notarized na pahintulot mula sa mismong opisyal bago maibigay ang kopya, kahit pa para sa media.
Binatikos ang patakarang ito dahil taliwas ito sa probisyon ng batas na nagsasabing maaaring makuha ang SALN para sa layuning pampubliko at pamamahayag.
Bukod sa pagbawi ng restriksyon, muling bubuhayin ni Remulla ang lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno — isang hakbang na itinigil ni Martires noong 2018.
“One of the campaigns we will launch will be crowdsourcing of information for lifestyle checks …. We will ask the public to contribute to us [by helping in doing] lifestyle checks. We will open a line for that,” ani Remulla.
(Isa sa mga kampanyang ilulunsad namin ay ang crowdsourcing ng impormasyon para sa lifestyle checks … Hihilingin naming tumulong ang publiko sa pagsasagawa ng lifestyle checks. Magbubukas kami ng linya para rito.)
Sa bagong sistema, hindi na lamang umaasa ang Ombudsman sa internal na imbestigasyon. Magkakaroon ng bukas na komunikasyon kung saan maaaring magsumite ng impormasyon ang sinuman tungkol sa posibleng katiwalian.
Layunin ni Remulla na gawing mas bukas, mas abot, at mas kapani-paniwala ang tanggapan ng Ombudsman — isang hakbang na maaaring magbago sa pananaw ng publiko sa accountability ng mga opisyal ng gobyerno.
(Larawan: Boying Remulla | Facebook)