Bato dela Rosa kay Zaldy Co: 'Palaging lindulin kapag di ka pa umuwi'
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-10 16:08:31
MANILA — Sa gitna ng pagyanig ng magnitude 7.6 na lindol sa Davao Oriental nitong Biyernes ng umaga, naglabas ng birong panawagan si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa kanyang Facebook page na agad naging viral. Tinawag niya si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, na kasalukuyang nasa ibang bansa, na umuwi na ng Pilipinas.
“Maawa ka na sa Pilipinas Zaldy! Palagi daw itong lilindolin hangga’t hindi ka umuwi!” ani Dela Rosa sa kanyang post. “Kahit naka-squat na ako sa lupa kanina, nahihilo pa rin ako sa lakas at tagal ng lindol. Umuwi ka na please…” dagdag pa niya.
Ang pahayag ay isinulat matapos ang malakas na lindol na yumanig sa Mindanao bandang 9:43 AM, na nagdulot ng tsunami warning mula sa PHIVOLCS at pansamantalang paglikas sa ilang baybaying lugar. Bagama’t biro ang tono ng senador, ito ay may kaugnayan sa patuloy na panawagan ng Senado na humarap si Co sa Blue Ribbon Committee hearing kaugnay ng Discaya flood control scandal, kung saan sangkot ang umano’y multi-billion peso ghost projects.
Si Co ay nagbitiw sa kanyang puwesto noong Setyembre habang nasa Estados Unidos para sa gamutan, ngunit hindi pa bumabalik sa bansa sa kabila ng mga subpoena at panawagan ng mga mambabatas. Ayon kay Dela Rosa sa isang panayam, “Stepping down is not enough. What the people want is accountability.”
Ang post ni Dela Rosa ay umani ng halo-halong reaksyon online, mula sa mga netizen na natawa sa kanyang biro, hanggang sa mga nanawagan ng seryosong aksyon laban sa mga sangkot sa korapsyon. Sa kabila ng katatawanan, nananatiling sentro ng diskusyon ang pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno sa mga anomalya sa imprastruktura.