Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sotto, biktima na din ng fake news; panukalang dagdag tax para sa content creators, pinabulaanan

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-10 17:31:21 Sotto, biktima na din ng fake news; panukalang dagdag tax para sa content creators, pinabulaanan

OKTUBRE 10, 2025 — Mariing itinanggi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang mga kumakalat na post sa social media na nagsasabing may panukala siyang dagdag na 50% buwis para sa mga content creator.

Sa sesyon ng Senado nitong Biyernes, iginiit ni Sotto na wala siyang isinusulong na bagong buwis, at sa loob ng 24 taon niyang panunungkulan, palagi siyang bumoboto laban sa anumang dagdag na pasanin sa buwis.

“For the information of my colleagues, numerous and coordinated circulation of fake news have been circulating regarding new tax measures allegedly proposed by this representation, by me. In my 24 years in the Senate, I have never proposed for any additional tax measures. In fact, I have consistently voted against it,” pahayag ni Sotto. 

(Para sa kaalaman ng aking mga kasamahan, maraming sabay-sabay na kumakalat na pekeng balita tungkol sa mga bagong buwis na umano’y isinulong ko. Sa loob ng 24 taon ko sa Senado, ni minsan ay hindi ako nagpanukala ng dagdag na buwis. Sa katunayan, palagi akong bumoboto laban dito.)

Dagdag pa niya, ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon ay tila may layuning sirain ang kanyang reputasyon at ang institusyon ng Senado.

“I think there is a concerted effort by some quarters. I don't know who. We'll try to find out,” ani Sotto. 

(Sa tingin ko, may sabwatan mula sa ilang grupo. Hindi ko alam kung sino. Susubukan naming alamin.)

Simula umano noong Setyembre 8, napansin nilang tuwing Huwebes, Biyernes, at Sabado ay may lumalabas na pekeng balita laban sa kanya, kay Senador Ping Lacson, at kay Senador Migz Zubiri.

“Siguro, walang makita sa amin, eh 'di gumawa na lang ng imbento, gumawa ng fake news … Of course, to discredit us, most probably,” dagdag niya. 

Sa huli, nanawagan si Sotto sa publiko na huwag basta-basta maniniwala sa mga balitang hindi beripikado.

“For the peddlers of fake news, ipagdadasal ko na lang kayo,” aniya. 

(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)