Diskurso PH
Translate the website into your language:

BSP, mas maghihigpit sa galaw ng pera sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-10 16:54:22 BSP, mas maghihigpit sa galaw ng pera sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian

OKTUBRE 10, 2025 — Sa gitna ng mga isyu sa paggasta ng gobyerno, lalo na sa mga proyektong pang-imprastraktura, inihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang plano nitong higpitan pa ang mga patakaran sa paggalaw ng pera — mula sa cash withdrawals hanggang sa digital transfers.

Matapos ipatupad ang P500,000 kada araw na limitasyon sa pag-withdraw ng cash, pinag-aaralan na rin ng BSP ang pagtatakda ng cap sa lahat ng uri ng fund transfers. Ayon kay BSP Governor Eli Remolona Jr., layunin nitong pigilan ang paggamit ng pondo sa mga ilegal na aktibidad.

“Now we have a threshold on how much cash can be withdrawn, now there will be a threshold on transfers in general — could be cash, could be digital,” ani Remolona. 

(May limitasyon na tayo sa halaga ng cash na puwedeng i-withdraw. Ngayon magkakaroon na rin ng limitasyon sa mga transfer sa pangkalahatan — puwedeng cash, puwedeng digital.)

Kasunod ito ng kontrobersiyang kinasangkutan ng Land Bank of the Philippines, matapos payagan ang isang pribadong contractor na mag-withdraw ng halos kalahating bilyong piso sa loob lamang ng dalawang araw. Bagama’t dumaan umano sa tamang proseso ang transaksyon, aminado ang mga bangko na hindi sila komportable sa paglabas ng ganoong kalaking halaga.

“Banks, they were not comfortable with releasing the funds … but they couldn’t refuse,” paliwanag ni Remolona. 

(Hindi komportable ang mga bangko sa paglabas ng pondo … pero hindi nila puwedeng tanggihan.)

Upang maiwasan ang ganitong sitwasyon, balak ng BSP na bigyan ng kapangyarihan ang mga bangko na tumanggi sa mga kahina-hinalang withdrawal, lalo na kung may indikasyon ng katiwalian. Kasabay nito, obligadong magsumite ng suspicious transaction reports ang mga institusyong pinansyal kapag lumampas sa itinakdang threshold ang halaga ng transaksyon.

Simula Oktubre, ipinatupad na ng mga pangunahing bangko ang bagong patakaran sa cash withdrawals. Sa ilalim ng BSP Circular 1218, kailangang magpakita ng valid ID at dokumento ng lehitimong layunin ang sinumang magwi-withdraw ng higit sa P500,000 kada araw.

Naglabas ng advisory ang BDO, BPI, Metrobank, PNB, Bank of Commerce, at UnionBank tungkol sa bagong proseso. Kabilang sa mga hinihingi ay advance notice, proof of fund source, at paggamit ng traceable channels gaya ng tseke, fund transfer, o digital payments.

Ayon sa BSP, ang hakbang ay bunga ng risk assessment na nagsabing nananatiling vulnerable sa money laundering at terrorism financing ang mga cash-based transaction. Layunin ng bagong polisiya na mapanatili ang integridad ng sistema ng pananalapi.

Samantala, umani naman ng batikos online ang bagong patakaran. Ilang negosyante ang nagpahayag ng pagkabahala sa posibleng pagkaantala ng bayad sa mga supplier at dagdag na abala sa dokumentasyon.

(Larawan: Philippine News Agency)