Phivolcs: Maraming bahay sa bansa guguho sa malakas na lindol
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-10 09:28:00
MANILA — Nagbabala ang isang eksperto mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na maraming bahay sa Pilipinas ang hindi kayang tumagal sa malalakas na lindol dahil sa substandard na materyales at kakulangan ng tamang disenyo at propesyonal na pagkakagawa.
Ayon kay Rhommel Grutas, supervising science research specialist ng Phivolcs, karaniwan sa mga bahay sa bansa ay itinayo lamang ng mga laborer o foreman, at hindi ng lisensyadong inhinyero o arkitekto. “Usually with small houses, we would just get, say, a foreman or other skilled laborers. But for materials, you really need an engineer for that,” ani Grutas sa panayam ng Inquirer.
Binanggit ni Grutas ang mga nakaraang lindol sa Negros Oriental (2012), Bohol (2013), at Northern Luzon (2022) bilang halimbawa ng mga insidenteng nagpatunay sa kahinaan ng maraming bahay sa bansa. Sa pinakahuling magnitude 6.9 na lindol sa Northern Cebu noong Setyembre 30, tinatayang 18,154 bahay ang nasira, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ilan sa mga karaniwang paglabag sa tamang konstruksyon ay ang paggamit ng 4-inch hollow blocks sa halip na 6-inch, at ang kakulangan sa tamang column specifications. “There should be at least four columns in a standard, single-story building, each having a diameter of 16 inches and containing stirrups or steel reinforcements,” paliwanag ni Grutas. Ngunit sa aktwal, “they would just put small ones, like 10 millimeters,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ni Grutas ang kahalagahan ng Building Code of the Philippines (Presidential Decree No. 1096), at ang pangangailangang sumunod sa tamang disenyo lalo na kung planong magdagdag ng palapag sa bahay. “If you construct a one-story house, then with more budget you add two more floors even if that was not the intended design… that’s among the dangerous construction practices,” babala niya.
Nanawagan ang Phivolcs sa publiko na kumonsulta sa mga eksperto bago magpatayo ng bahay, lalo na sa mga lugar na malapit sa active fault lines. Sa harap ng banta ng “The Big One” — isang posibleng magnitude 7.2 na lindol mula sa West Valley Fault — mahalaga ang pagsunod sa engineering standards upang maiwasan ang trahedya.