Asawa nagkunwaring delivery rider, binaril ang gurong misis sa loob ng silid-aralan
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-24 07:46:55
MATALOM, LEYTE — Isang 39-anyos na kindergarten teacher ang binaril at napatay ng kanyang sariling asawa sa loob ng Agbanga Elementary School sa Barangay Agbanga, Matalom, Leyte noong Miyerkules, Oktubre 22, bandang alas-11 ng umaga.
Ayon sa ulat ng Matalom Municipal Police Station, ang suspek na si “Lino,” 49-anyos, ay nagkunwaring delivery rider upang makapasok sa paaralan, na walang nakatalagang security guard.
Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa bago naganap ang pamamaril. Tumakbo ang biktima sa isang silid-aralan upang humingi ng tulong, ngunit sinundan siya ng suspek at binaril ng dalawang beses sa leeg.
Walang ibang nasaktan sa insidente, ngunit kinumpirma ng mga kasamahan ng guro na may naunang reklamo ang biktima laban sa kanyang asawa kaugnay ng karahasan sa kababaihan at mga bata (VAWC).
Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek patungong Matalom Proper. Kalaunan, natagpuan ng pulisya ang kanyang bangkay sa loob ng comfort room ng isang abandonadong gusali. Pinaniniwalaang nagpakamatay ito matapos ang krimen.
Ang insidente ay ikalawang kaso ng pamamaril sa loob ng paaralan sa Leyte ngayong buwan. Noong Oktubre 16, isang guro sa Tanauan, Leyte ang binaril ng kanyang estranged husband ngunit nakaligtas.
