Guro nadamay sa pekeng pirma; sahod kinaltasan para sa utang ng iba
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-24 07:46:47
CAMARINES NORTE — Isang guro ang dumaranas ngayon ng matinding problema matapos madamay sa utang na mahigit ₱300,000 dahil umano sa pamemeke ng kanyang pirma sa dokumento ng isang lending company.
Ayon kay Teacher Jose Nisecito, simula pa noong Hunyo ay wala na siyang natatanggap na sahod at allowances matapos ipag-utos ng korte na ibawas ito para pambayad sa utang ng isang kapwa guro. Nakalista kasi siya bilang co-maker sa loan, kahit hindi raw niya kilala ang mismong nangutang na guro na taga-Makati.
“Nagpunta po ako sa MTC, pero sabi nila wala na raw magagawa dahil naibaba na ang hatol. Kaya lumapit po ako sa PAO para humingi ng tulong at payo kung ano pa po ang puwedeng gawin,” paliwanag ni Nisecito.
Ayon sa kanya, pinapayuhan siyang gumawa ng motion para ma-lift ang garnishment, ngunit mabagal at magastos ang proseso. Hirap din siya sa gastusin dahil umaasa lamang siya sa pamangkin na may kakasimula pa lang na trabaho.
“Kumbaga, ako na ang nagbabayad ng utang ng iba, gayong baon din ako sa sariling utang,” aniya.
Simula raw noong 2010 nang magsimula siyang magturo, tuloy-tuloy na ang kanyang pag-utang para sa mga gastusin sa pamilya—mula sa pagkamatay ng ama, pagkakasakit, hanggang sa panganganak ng kanyang asawa. Dahil dito, patuloy siyang umaasa sa mga loan upang makaraos sa araw-araw.
Si Teacher Jose ay umaapela ngayon sa Department of Education (DepEd) na sana’y mapabilis ang mga promosyon at dagdag-sahod upang hindi na mapilitang umutang ang mga guro sa mga pribadong lending company.
“Mas mabilis ma-promote yung mga bagong teacher kasi may masteral degree na. Sana naman yung mga matagal na rin sa serbisyo ay mabigyan din ng pagkakataon. Yun na lang po yung pinanghahawakan namin,” dagdag niya.
Patuloy namang umaasa si Teacher Jose na makakamit niya ang hustisya at maibabalik ang kanyang pinaghirapang sahod matapos ang pagkakadawit sa utang na hindi niya kailanman pinirmahan.
