Nag-costume ng pulis sa Halloween, hina-hunting na ng Napolcom
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-03 08:19:23
MANILA — Magpapalabas ng show-cause order ang National Police Commission (Napolcom) laban sa isang indibidwal na nagsuot ng uniporme ng pulis bilang costume sa isang Halloween party, ayon kay Napolcom Vice Chairperson Ralph Calinisan nitong Linggo.
Sa isang Facebook post, binatikos ni Calinisan ang hindi pinangalanang partygoer at iginiit na ang pagsusuot ng opisyal na uniporme ng pulisya ay paglapastangan sa serbisyo ng mga tunay na alagad ng batas.
“Tomorrow, on behalf of all our policemen, I will issue a Show Cause Order against you and demand a public apology from you,” ani Calinisan. “If we do not hear from you, expect a case to be filed against you. Respect your men in uniform.”
Ang insidente ay naganap sa isang Halloween party sa Makati, kung saan kumalat sa social media ang mga larawan ng nasabing partygoer na naka-PNP uniform. Hindi pa tinutukoy ng Napolcom ang pagkakakilanlan ng indibidwal.
Samantala, kinumpirma rin ng Philippine National Police (PNP) na nagsimula na sila ng imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng nasabing tao at ihain ang kaukulang kaso. Ayon kay acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., “To misuse it as a costume trivializes the meaning of service and mocks those who risk their lives to keep our communities safe. This act will not go unpunished; accountability must prevail.”
Binanggit ng PNP ang Article 179 ng Revised Penal Code, na nagbabawal sa ilegal na paggamit ng uniporme o insignia ng mga opisyal na ahensya ng gobyerno. Ang sinumang mapatunayang lumabag ay maaaring makulong o pagmultahin.
Ang Napolcom at PNP ay parehong nanawagan sa publiko na igalang ang mga simbolo ng serbisyo publiko, lalo na ang uniporme ng pulisya, na kumakatawan sa sakripisyo at tungkulin ng mga alagad ng batas.
