DICT: ‘Oplan Cyberdome’ vs cyberattack, naka-full alert na
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-05 11:52:56
NOBYEMBRE 5, 2025 — Kasado na ang “Oplan Cyberdome” ngayong Miyerkoles, Nobyembre 5, bilang tugon sa bantang cyberattack na posibleng tumarget sa mga digital na serbisyo ng gobyerno at pribadong sektor.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), layunin ng operasyon na tiyaking hindi maparalisa ang mga online platform sa gitna ng inaasahang pagtaas ng traffic at posibleng Distributed Denial of Service (DDoS) attacks.
“Ang utos ng Pangulo ay malinaw — siguraduhin na hindi maparalisa ang mga serbisyo ng gobyerno at pribadong sektor dahil sa mga cyberattack,” pahayag ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro.
Kabilang sa mga binabantayang target ay ang mga bangko, ospital, at iba pang critical infrastructure. Ayon sa DICT, hindi lamang ito simpleng pagmo-monitor kundi aktibong pagtugon sa anumang senyales ng panghihimasok sa cyberspace.
Kasama sa “Oplan Cyberdome” ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), National Telecommunications Commission (NTC), at iba pang ahensiyang may kaugnayan sa cybersecurity. Pinakilos din ang National Computer Emergency Response Team (NCERT) ng DICT na nakaantabay 24/7 para sa agarang aksyon.
Tiniyak ng DICT na wala pang naitatalang data breach o pagnanakaw ng impormasyon sa kabila ng heightened alert.
“Walang dapat ikabahala ang publiko. Mahigpit ang pagbabantay at handa ang ating mga team na rumesponde anumang oras,” ayon sa DICT.
Ang “Oplan Cyberdome” ay bahagi ng mas malawak na hakbang ng administrasyon upang palakasin ang proteksyon ng bansa laban sa mga banta sa digital space.
(Larawan: Department of Information and Communications Technology)
