Semento, salot sa baha? Bagong diskarte sa urban planning, panawagan ng grupo — sponge city nga ba ang solusyon?
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-05 17:19:26
NOBYEMBRE 5, 2025 — Hindi solusyon sa baha ang semento — ito ang mariing pahayag ng Forest Foundation Philippines sa pagdinig ng mga komite sa Kamara tungkol sa Sustainable Development Goals at Climate Change. Sa halip na makatulong, lalo lamang nitong pinapalala ang pinsala tuwing bumubuhos ang ulan.
“‘Pag semento siya lahat, as we've experienced in Metro Manila, there’s really nowhere for the water to go except into homes, into businesses, you know, washing out our bridges, washing out our property,” babala ni Alaya de Leon, Deputy Executive Director ng Forest Foundation.
(Kapag puro semento, gaya ng naranasan sa Metro Manila, wala talagang pupuntahan ang tubig kundi sa mga bahay, negosyo, tulay, at ari-arian.)
Sa parehong araw ng pagdinig, tumama ang Bagyong Tino sa Southern Leyte — isang paalala kung gaano kahina ang bansa sa harap ng kalamidad.
Ayon kay De Leon, nangunguna ang Pilipinas sa 2025 World Risk Index pagdating sa flood vulnerability.
“We are at the top spot, yet again. We’re always somewhere in the top three, because of our high geographic fragmentation and high exposure to weather related extremes,” aniya.
(Nasa unang pwesto na naman tayo. Palagi tayong nasa top three dahil sa sobrang pagkakawatak-watak ng ating mga isla at matinding exposure sa mga extreme weather.)
Sa halip na magpatuloy sa tradisyunal na urban planning, iminungkahi ni De Leon ang paggamit ng nature-based solutions (NBS) — mga disenyo na nakabatay sa kalikasan at kayang sumalo ng tubig sa halip na itaboy ito. Isa sa mga halimbawa na binanggit niya ay ang Benjakitti Forest Park sa Bangkok, Thailand.
“So what the Thai government did is acknowledge that this is — the reality the water will not magically disappear — and building more with hard materials, with concrete is not working,” paliwanag ni De Leon.
(Ang ginawa ng gobyerno ng Thailand ay tanggapin ang katotohanan — hindi basta mawawala ang tubig — at hindi gumagana ang paggamit ng semento.)
Itinayo ang naturang parke sa dating pabrika ng tabako sa gitna ng Bangkok. Sa halip na takpan ng semento, ginawang porous ang lupa at nilagyan ng artificial wetlands, peatlands, at mga swamp. Layunin nitong saluhin ang hanggang 200,000 cubic meters ng tubig-ulan tuwing monsoon season.
Giit ni De Leon, panahon na para isulong ang konsepto ng sponge city — mga lungsod na may kapasidad sumipsip ng tubig mula sa ulan, baha, at ilog.
“The city can absorb it like a sponge,” aniya.
(Kayang sipsipin ng lungsod ang tubig gaya ng espongha.)
Panawagan ng Forest Foundation: tigilan na ang pagsandig sa semento. Hindi ito lunas sa baha — isa itong salot.
(Larawan: PIA - Philippine Information Agency)
