Sen. Loren Legarda: Pinaigting na pangangalaga sa kalikasan sa tulong ng RA No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-05 00:30:25
MANILA — Sa pagdiriwang ng Clean Air Month, muling binigyang-diin ni Senator Loren Legarda ang kanyang matibay na pangako na paigtingin ang pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, batas na siya mismo ang may-akda at nag-sponsor.
Ayon kay Legarda, nananatiling kumpleto at makabago ang mga probisyong nakapaloob sa nasabing batas, ngunit kinakailangan umano ng “genuine compliance” mula sa mga lokal na pamahalaan upang tunay na maramdaman ang epekto nito.
Bilang kilalang tagapagtanggol ng kalikasan, ipinaalala rin ni Legarda na siya rin ang author ng Clean Air Act (RA 8749), Clean Water Act (RA 9275), at Expanded National Integrated Protected Areas System Act (RA 11038), na pawang naglalayong mapanatili ang kalinisan ng hangin, tubig, at likas na yaman ng bansa.
Dagdag pa ni Legarda, patuloy niyang isusulong ang transparency at suporta sa mga community-based at biodiversity-friendly enterprises, na aniya ay susi sa mas ligtas, mas malinis, at mas matatag na kinabukasan para sa bawat Pilipino.
"Ang malinis na hangin ay karapatang pantao. Ang pangangalaga sa kalikasan ay tungkulin nating lahat." (Larawan: Loren Legarda / Facebook)
