Diskurso PH
Translate the website into your language:

Badboy ng Cebu at Ferdinand Dela Merced, agad naghatid ng tulong sa mga biktima ng bagyo matapos ang kanilang exhibition boxing fight

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-14 23:00:21 Badboy ng Cebu at Ferdinand Dela Merced, agad naghatid ng tulong sa mga biktima ng bagyo matapos ang kanilang exhibition boxing fight

NOBYEMRE 14 — Fresh mula sa kanilang matagumpay at inaabangang “Boxing for a Cause” bout nitong Huwebes ng gabi, Nobyembre 13, hindi na nag-aksaya ng oras sina kontrobersiyal na Philippine looper Ferdinand Dela Merced at ang kanyang katunggali na si Ed Tan, na mas kilala bilang “Badboy ng Cebu,” para ituloy ang laban—hindi na sa ring, kundi para sa kapwa.

Pagsapit ng Biyernes, Nobyembre 15, 2025, kapwa na sila nasa Barangay Cotcot, Liloan upang personal na mag-abot ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng pananalasa ni Typhoon Tino. Ang kanilang mabilis na paglipat mula sa boxing ring patungo sa komunidad ay patunay sa tunay na layunin ng charity match: gamitin ang sports bilang daluyan ng pag-asa at pagtulong sa nangangailangan.

Mahigit ₱50,000 ang nalikom mula sa laban, na ginamit sa pagbili at pamamahagi ng relief goods para sa mga residente. Kasama ng dalawang boksingero ang mga organizer ng event, na sila mismo ang nag-abot ng tulong sa mga naapektuhan.

Pinangunahan ang inisyatiba ng Da Bishow Entertainment, sa pamumuno ni Jon Dave Lepatan, katuwang ang Prime Fight Gym, Ms Pro Audio, Cebu Live Stream, at si Councilor Jags Lucero Bacalso ng LGU Argao.

Dahil sa kanilang magkakatuwang na pagsisikap, hindi lamang naging matagumpay ang boxing event, kundi nakapaghatid din ito ng konkretong tulong sa mga biktima ng kalamidad—isang patunay na ang tapang sa ring ay mas matimbang kapag ginamit para sa kapakanan ng iba. (Larawan: Facebook)