Bernardo idinawit kampo ni Nancy Binay sa umano’y ₱3.12B kickback network
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-14 10:52:13
MANILA — Lalong lumawak ang iniimbestigahang flood control corruption scandal matapos ibulgar ni dating DPWH Undersecretary Roberto R. Bernardo ang serye ng umano’y transaksyon at paghahatid ng milyon-milyong piso na inilaan umano para sa mga proyekto ni Senator Nancy Binay, sa pamamagitan ng aide nitong si Carlene Villa.
Ayon kay Bernardo, si Carlene ang naging pangunahing tagapamagitan ng kampo ni Sen. Binay sa kanya. “Carlene Villa is the aide of Sen. Nancy Binay, who transacted with me regarding the latter’s projects and commitment,” ani Bernardo sa kanyang salaysay.
Dagdag niya, unang beses silang nagkakilala noong budget season ng 2018, at noong 2019 ay pormal siyang inendorso ni Usec. Trigib Olayvar upang direktang kausapin ni Carlene sa anumang follow-up sa proyekto.
UNA UMANONG PAKIKIPAG-TRANSAKSYON
Isiniwalat ni Bernardo na noong 4th quarter ng 2022, humingi umano ng tulong si Carlene para sa isang transfer ng district engineer sa Mindanao—isang request na kanyang inendorso sa DPWH Secretary.
Kasabay nito, nanghingi rin umano si Carlene ng listahan ng proyekto para kay Sen. Binay na nagkakahalaga ng ₱1.882 bilyon, kapalit ng 12% commitment. Ayon kay Bernardo, “I got 3% of ₱1.882 billion.”
Si Engineer Manny Bulusan umano ang tumulong sa pagkuha ng commitment, at ang kabuuang halaga ay naideliver kay Carlene sa Makati at Quezon City noong 1st quarter ng 2023.
MAS MALAKING LISTAHAN NG PROYEKTO PARA SA 2024
Noong huling bahagi ng 2023, humingi muli si Carlene ng proyekto para sa 2024 GAA. Ayon kay Bernardo, umabot sa ₱2.5 bilyon ang initial list ngunit ibinaba ito sa ₱1.672 bilyon.
Ibinunyag din niya ang umano’y alok mula sa ibang grupo na mas mataas na 15% na commitment, dahilan para matabunan ang kanyang transaksyon. Kuwento niya, sinabi raw ni Usec. Olayvar kay Carlene: “Bakit niyo binabawasan nang kay Robert? Siya din naman ang nilalapitan naman ’yan pagka nagkakaproblema.”
PANG-ADVANCE UMANONG HALAGANG ₱50 MILYON
Noong Disyembre 2023, sinabi ni Bernardo na tumawag umano sa kanya si Carlene para humingi ng ₱50 milyon na advance, na tinawag daw nitong “shoes” para kay Sen. Binay dahil hindi raw nakapag-deliver ang ibang grupo. Aniya, “I then helped to fix” ang isyu at kalaunan ay na-refund ang ₱50 milyon.
MAS MALAKING HALAGA PARA SA 2025 NEP
Sa 2024 naman, ayon kay Bernardo, ipinag-utos umano ni Sen. Binay na maglaan ng ₱500 milyon sa NEP para sa 2025. Siya raw ang nagbigay ng listahan na ipinasa sa DPWH leadership, at napasama ito sa NEP.
Muli ring nagpa-prepare si Carlene ng ₱3 bilyong proyekto para sa 2025 budget, ngunit ₱2.6 bilyon lamang ang napasama.
ANG UMANO’Y CASH DELIVERIES SA HORSESHOE VILLAGE
Malinaw na inilahad ni Bernardo ang umano’y paghahatid ng pera matapos maisama ang proyekto sa GAA. Aniya, sila nina Engr. Bulusan at Engr. Upulensha ang “nag-collect at nag-prepare” ng 15% commitment mula sa ₱3.12 bilyong proyekto.
Sa kanyang pahayag, sinabi niyang dalawang delivery ang naganap sa Horseshoe Village, Quezon City:
- Unang delivery: ₱340 milyon
- Ikalawang delivery: hindi bababa sa ₱200 milyon
Pagkatapos umano ng huling delivery, sinabi raw ni Carlene sa kanya: “Kinuhan na ni sir, salamat raw, hindi ko kakalimutan sa Makati.” Ayon kay Bernardo, ang “sir” ay tumutukoy sa asawa ni Sen. Binay.
Sinabi rin ni Bernardo na wala siyang nakuha kahit anong porsiyento mula sa ₱3.12 bilyong nakapaloob umano sa 2025 NEP at GAA, maliban sa na-refund niyang ₱50 milyon.
Patuloy ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, na inaasahang tatawag muli kay Bernardo upang isa-isahin ang mga kontraktor, opisyal at iba pang personalidad na nasangkot sa umano’y malawakang kickback network.
