Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Ako ang nagsimula nitong lahat, ako rin ang magtatapos’ — pahayag ni PBBM kaugnay ng flood control scam

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-21 22:55:15 ‘Ako ang nagsimula nitong lahat, ako rin ang magtatapos’ — pahayag ni PBBM kaugnay ng flood control scam

MANILA, Philippines Ito ang tahasang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Biyernes, Nobyembre 21, kaugnay sa kanyang direktiba laban sa mga opisyal at kontratistang dawit sa umano’y malawakang anomalya sa multi-bilyong pisong flood control project sa bansa.

Ayon sa Pangulo, walang puwang sa gobyerno ang katiwalian, lalo na sa mga proyektong dapat ay nagliligtas ng buhay. “Kung flood control ang proyekto, dapat yan ang nagsasalba ng tao, hindi pinagkakakitaan. Hindi tayo titigil hanggang may pananagutan ang lahat,” mariing pahayag ni Marcos Jr.

Kasunod ito ng pag-anunsyo ng Malacañang ngayong araw na naglabas na ng arrest warrant ang Sandiganbayan laban kay dating Ako Bicol Party-list Congressman Zaldy Co at 17 iba pa, kabilang ang mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ilang indibidwal mula sa mga government contractors na idinadawit sa nasabing anomalya.

Kabilang sa ipinag-utos na arestuhin ay mga dating mataas na opisyal ng DPWH na umano’y sangkot sa maanomalyang proseso ng bidding, overpriced na proyekto, at paggamit umano ng pondo sa mga programang hindi naaayon sa flood control operations.

Mariin ding ibinilin ng Pangulo na pabilisin ang imbestigasyon at paghahatol nang hindi isinasakripisyo ang due process. Ipinag-utos niya sa mga kinauukulang ahensya, kabilang ang DOJ at Ombudsman, na tiyaking matutukoy ang lahat ng posibleng kasabwat sa gobyerno maging sa pribadong sektor.

Tiniyak ng Malacañang na magpapatuloy ang iba pang audit at imbestigasyon sa flood control projects sa iba’t ibang rehiyon upang masiguro na ang bawat pondong inilaan ay napupunta sa tunay na serbisyo sa publiko. (Larawan: Bongbong Marcos / Facebook)