Bank messenger, arestado matapos ipangsugal ang P650,000 na ipinadiposito sa kanya
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-21 22:16:58
MAKATI, Philippines — Arestado ng Southern Police District (SPD) ang isang bank messenger matapos umanong tangayin ang malaking bahagi ng mahigit ₱1 milyon na pera na ipinagkatiwala sa kanya para ideposito sa isang bangko sa Makati City.
Kinilala ang suspek bilang si “Jessie,” residente ng Caloocan City, na matagal nang nagtatrabaho bilang messenger sa isang bangko. Ayon sa reklamo ng bank manager na si Melanie, ibinigay niya ang buong halaga sa suspek upang ideposito sa opisyal na account ng bangko, gaya ng karaniwang proseso.
Ngunit matapos ilabas ang pera, bigla na umanong nawala ang komunikasyon sa suspek. Makalipas ang ilang oras, nakontak si Jessie, at dito na niya inamin na kinuha niya ang ₱650,000 mula sa kabuuang pera at inilagay sa sarili niyang account upang ipangsugal sa online card games.
Isinauli naman ng suspek ang natitirang ₱400,000 bago tuluyang maaresto ng mga pulis. Gayunman, hindi na nito maibalik ang ₱650,000 na ginamit umano sa online gambling.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa SPD detention facility habang inhahanda ng awtoridad ang mga dokumento para sa kasong qualified theft at violation of cybercrime-related offenses, dahil sa paggamit niya ng sariling bank account at online platforms upang magsagawa ng ilegal na transaksiyon.
Ayon sa pulisya, patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang nakasangkot at kung matunton pa ang perang nawaldas sa sugal. (Larawan: Google)
