Diskurso PH
Translate the website into your language:

PBBM: 'Arestuhin si Zaldy Co, huwag nang patagalin!'

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-21 17:20:51 PBBM: 'Arestuhin si Zaldy Co, huwag nang patagalin!'

Nobyembre 21, 2025 - Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may inilabas nang warrant of arrest laban kay dating Ako Bicol Representative Zaldy Co at 17 iba pa na sangkot sa kontrobersyal na mga proyekto sa flood control. 

Kabilang sa mga pinangalanan ay ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at board members ng Sunwest Corporation, kompanyang konektado sa pamilya ni Co.

Sa kanyang pahayag, iginiit ni Marcos na dapat agad ipatupad ng mga law enforcement agencies ang mga arrest warrant. “May warrant of arrest na laban kay Zaldy Co at 17 iba pa mula sa DPWH at Sunwest Corporation. Kaya’t sa ating law enforcement agencies, huwag na nating patagalin pa. Arestuhin na ninyo sila. Siguraduhin maisagawa ito nang mabilis at tama. Gumugulong na ang hustisya,” ani ng Pangulo.

Ang mga kaso laban kina Co at iba pa ay kaugnay ng umano’y P289.4-milyong anomalya sa river dike project sa Naujan, Oriental Mindoro, kung saan natuklasan ng Ombudsman at ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang seryosong iregularidad sa konstruksyon. 

Nauna nang naghain ang Ombudsman ng mga kasong malversation through falsification at dalawang bilang ng graft laban kay Co, ilang DPWH-Mimaropa officials, at board of directors ng Sunwest Corporation.

Samantala, nananatili umanong nasa labas ng bansa si Co at tumangging bumalik sa Pilipinas dahil sa umano’y banta sa kanyang buhay. Ayon sa kanyang abogado, nakatanggap si Co ng mga mensaheng nagbabanta ng karahasan, dahilan upang hindi siya makapagharap ng counter-affidavit sa mga kaso.

Ang utos ni Marcos ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng administrasyon laban sa katiwalian sa mga proyektong imprastruktura. Mariin niyang binigyang-diin na walang “special na pagtrato” at walang “sinasanto” sa pagpapatupad ng batas. Inaasahan na ang mga suspek ay agad na ihaharap sa korte upang managot sa mga kasong isinampa laban sa kanila.