Risa Hontiveros, naghain ng panukalang batas kontra political dynasty
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-21 19:06:54
NOBYEMBRE 21, 2025 — Matapos ang halos apat na dekada mula nang pagtibayin ang 1987 Konstitusyon, muling binuhay ni Senadora Risa Hontiveros ang panawagan laban sa pamamayani ng mga political dynasty sa bansa. Inihain niya ang Senate Bill 1548 o tinaguriang Kontra Dinastiya Act, na layong ipagbawal ang sabayang pamumuno ng magkakamag-anak sa gobyerno.
Sa panukala, malinaw na nakasaad na ang sinumang kaanak hanggang ikaapat na antas ng dugo o affinity ng kasalukuyang halal na opisyal sa pambansang antas ay hindi maaaring tumakbo o humawak ng kaparehong posisyon. Ganito rin ang patakaran sa lokal na pamahalaan — bawal ang magkakamag-anak na sabay na nakapwesto sa parehong distrito, probinsya, o lungsod. Sakop din ng pagbabawal ang party-list system.
Ang sinumang lalabag, kabilang ang pagtatago ng impormasyon o maling deklarasyon sa certificate of candidacy, ay ituturing na lumabag sa Omnibus Election Code at papatawan ng kaukulang parusa bilang election offense.
Sa kanyang paliwanag, iginiit ni Hontiveros ang probisyon ng Konstitusyon na nagsasabing: “The State shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law.”
(Tinitiyak ng Estado ang pantay na access sa paglilingkod-bayan, at ipinagbabawal ang political dynasty ayon sa batas.)
Binanggit din ng senadora ang ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na nagsiwalat ng matinding konsentrasyon ng kapangyarihan sa iilang pamilya sa Mababang Kapulungan. Ayon sa datos, mahigit 80 porsyento ng 253 distrito ay hawak ng mga dinastiya.
“Nearly four decades have passed since the ratification of our fundamental law – and Congress has yet to heed this mandate. The absence of an enabling law has enabled the continued dominance of political dynasties across the country — an outcome foreseen and explicitly warned against by the framers of the Constitution,” ani Hontiveros.
(Halos apat na dekada na mula nang pagtibayin ang ating batayang batas — ngunit hindi pa rin ito tinutugunan ng Kongreso. Ang kawalan ng batas ay nagbigay-daan sa tuloy-tuloy na pamamayani ng mga political dynasty sa bansa — isang sitwasyong binalaan na ng mga gumawa ng Konstitusyon.)
Dagdag pa niya, “Political dynasties weaken democratic institutions and produce poorer governance outcomes, particularly when 'fat dynasties' allow multiple family members to simultaneously hold elective offices within the same jurisdiction.”
(Pinahihina ng political dynasty ang mga demokratikong institusyon at nagbubunga ng mas mahinang pamamahala, lalo na kapag sabay-sabay na nakapwesto ang mga miyembro ng pamilya sa iisang hurisdiksyon.)
Para kay Hontiveros, ang pagpasa ng batas laban sa political dynasty ay mahalaga upang maibalik ang patas na laban sa halalan, mapalakas ang mga institusyon, at matiyak na ang pamumuno ay nakabatay sa merito, integridad, at tunay na mandato ng taumbayan.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)
