San Fernando mayor sinuspinde ang operasyon ng PrimeWater
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-22 17:24:28
Nobyembre 22, 2025 - Opisyal na sinuspinde ni San Fernando City Mayor Vilma Caluag ang operasyon ng PrimeWater Infrastructure Corporation sa lungsod matapos ang serye ng reklamo mula sa mga residente hinggil sa kakulangan at kalidad ng serbisyo ng tubig.
Sa pamamagitan ng isang Executive Order na inilabas noong Nobyembre 17, 2025, ipinag-utos ng alkalde ang agarang pagtigil ng operasyon ng PrimeWater at ang pagbabalik ng pamamahala sa City of San Fernando Water District (CSFWD).
Ayon kay Caluag, ang desisyon ay bunga ng masusing pagsusuri at konsultasyon sa mga mamamayan na matagal nang nagrereklamo sa serbisyo ng kompanya. “Ginawa po natin ito upang protektahan ang bawat pangangailangan ng bawat mamamayan para sa sapat, malinis, at maaasahang tubig. Kasabay nito, muling ibabalik sa City of San Fernando Water District ang operasyon ng ating tubig,” ani ng alkalde sa kanyang pahayag.
Batay sa ulat ng City Information Office, kabilang sa mga reklamo laban sa PrimeWater ang madalas na pagkawala ng suplay, mahinang presyon ng tubig, at hindi natutugunang hinaing ng mga konsumer. Dahil dito, nagpasya ang lokal na pamahalaan na ipatigil ang operasyon ng kompanya upang matiyak ang tuloy-tuloy at maayos na serbisyo.
Kasama sa pagpapatupad ng suspensyon ang pag-turn over ng water utility operations sa CSFWD, na inaasahang magbibigay ng mas maayos na pamamahala at agarang tugon sa mga problema ng mga residente.
Personal na inihatid ni Mayor Caluag, Vice Mayor Aurelio Brenz Gonzales, at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ang kopya ng Executive Order sa PrimeWater at CSFWD upang ipatupad ang direktiba.
Ang hakbang na ito ay nakikita bilang makasaysayang desisyon sa lungsod, lalo’t matagal nang isyu ang kalidad ng serbisyo ng PrimeWater sa San Fernando. Nanawagan si Mayor Caluag sa mga Fernandino na magkaisa at suportahan ang pagbabalik ng pamamahala sa CSFWD upang masiguro ang maayos na suplay ng tubig sa bawat kabahayan.
