Akala nila sila lang? PCG, tiniktikan ang 2 Chinese ships sa Bajo de Masinloc
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-23 15:36:10
NOBYEMBRE 23, 2025 — Nagpatrolya ang Philippine Coast Guard (PCG) sa Bajo de Masinloc noong Nobyembre 23 at sinundan nang malapitan ang dalawang barko ng China Coast Guard (CCG), isang hakbang na malinaw na nagpapakita na hindi lamang ang Beijing ang marunong gumamit ng taktika ng “shadowing.”
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG para sa West Philippine Sea, natukoy ng BRP Cabra (MRRV-4409) ang CCG vessels na may bow numbers “4305” at “3305” sa layong 26.22 nautical miles silangan ng Bajo de Masinloc at mahigit 93 nautical miles mula Paluig, Zambales.
Sa kabila ng mas maliit na sukat ng BRP Cabra na 44 metro, hinarap nito ang mas malalaking barko ng Tsina — ang 134-metrong Type 301 Zhaokai-class at ang 111-metrong Shucha II-class variant.
Paulit-ulit na nagbigay ng radio challenge ang PCG, at iginiit na umalis ang mga barko ng Tsina dahil sa paglabag sa Philippine Maritime Zones Act, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at sa 2016 arbitral ruling na nagbasura sa malawak na pag-angkin ng Beijing sa South China Sea.
Binanggit ni Tarriela na ang operasyon ay bahagi ng mandato ng PCG na ipagtanggol ang karagatang sakop ng bansa at pigilan ang “normalization” ng ilegal na presensya ng mga barko ng Tsina.
“The operation was conducted professionally and in line with President Ferdinand Marcos, Jr.’s standing guidance to assert Philippine rights peacefully without escalating tensions,” ani Tarriela.
(Isinagawa ang operasyon nang propesyonal at alinsunod sa gabay ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na igiit ang karapatan ng Pilipinas nang mapayapa at hindi nagpapalala ng tensyon.)
Matagal nang binabantayan ng mga barko ng CCG at People’s Liberation Army–Navy (PLA-N) ang Bajo de Masinloc, na nasa loob ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. Sa mga nakaraang taon, naiulat na hinaharang, tinataboy, at minsan ay binabomba ng water cannon ang mga barko ng PCG at mga mangingisdang Pilipino.
Noong Agosto 11, isang barko ng CCG at PLA-N ang bumangga habang sinusundan ang BRP Suluan sa parehong lugar.
Ang pinakahuling insidente ay nagpapakita ng mas agresibong tindig ng PCG — isang malinaw na mensahe na hindi basta-basta palalampasin ang presensya ng mga barko ng Tsina sa loob ng karagatang sakop ng bansa.
(Larawan: Philippine Coast Guard)
