Diskurso PH
Translate the website into your language:

Ayuda modus sa Iloilo, pina-iimbestigahan ng DSWD; payout, tigil muna

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-23 16:47:18 Ayuda modus sa Iloilo, pina-iimbestigahan ng DSWD; payout, tigil muna

NOBYEMBRE 23, 2025 — Pansamantalang ipinatigil ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at lokal na pamahalaan ng Iloilo City ang pamamahagi ng ayuda matapos umusbong ang serye ng reklamo hinggil sa umano’y kaltas sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) cash aid.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Paul Ledesma, umabot na sa 24 ang natanggap na reklamo mula sa iba’t ibang barangay, kung saan 16 ang may direktang ulat ng “ayuda cuts.” Pinakamarami ang kaso sa mga distrito ng Arevalo at Jaro. Sa kabuuan, 11 sa mga reklamo ang kumpleto ang detalye at maaaring magsilbing basehan sa pagsasampa ng kaso.

“We make sure na magpa-file talaga kami ng kaso and ang kaso na i-file, malakas na kaso. In-fact last night, Secretary Gatchalian informed me already na gusto niyang pumunta dito dahil gusto niyang siya talaga ang magpa-file ng kaso,” ani Ledesma. 

Bunsod ng mga reklamo, iminungkahi ni Ledesma ang agarang pagtigil ng lahat ng uri ng payout sa lungsod hanggang sa matapos ang imbestigasyon at maipatupad ang mga pagbabago sa polisiya. 

“Ako personally, sasabihin ko sa inyo ngayon, I will recommend to stop all forms of payout from today until we resolve all these and we institute or adapt policy changes to ensure na this will not happen again,” dagdag pa niya. 

Samantala, ikinabahala naman ng mga benepisyaryo ang biglang pagtigil ng ayuda. 

Nagbabala ang DSWD na ang mga opisyal ng barangay na mapapatunayang sangkot sa modus ay hindi lamang matatanggal sa puwesto kundi habambuhay nang madidiskuwalipika sa serbisyo publiko.



(Larawan: PIA - Philippine Information Agency)