Diskurso PH
Translate the website into your language:

Interpol red notice laban kay Harry Roque, hiniling ng Pinas sa kasong human trafficking

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-23 12:08:58 Interpol red notice laban kay Harry Roque, hiniling ng Pinas sa kasong human trafficking

NOBYEMBRE 23, 2025 — Nagpapatuloy ang pagtugis ng pamahalaan laban sa dating presidential spokesperson na si Harry Roque matapos isumite ng Pilipinas sa Interpol ang kahilingan para sa red notice kaugnay ng kasong qualified human trafficking. Kinumpirma ito ni Winston Casio, tagapagsalita ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

“The Philippine government already submitted a request for a red notice, an international arrest warrant para kay Ginoong Roque,” ani Casio sa isang panayam. 

(Naisumite na ng pamahalaan ang kahilingan para sa red notice, isang international arrest warrant laban kay Ginoong Roque.)

Dagdag pa niya, hindi umano totoo ang pahayag ni Roque na siya ay biktima ng political persecution.

“Mahirap lang kasi nagpo-project siya na siya diumano ay biktima ng political persecution ... Wala namang ganu'n … Lahat naman nakadepende sa ebidensiya,” ani Casio. 

Noong Mayo, inilabas ang mga warrant of arrest laban kina Roque, Cassandra Ong ng Lucky South 99, at 48 pang indibidwal. Ang kaso ay kaugnay ng operasyon ng POGO hub ng Lucky South 99 sa Porac, Pampanga, kung saan nakatuklas ang mga awtoridad ng ebidensiya ng torture, kidnapping, at sex trafficking. Hindi bababa sa 158 dayuhang manggagawa ang nailigtas mula sa naturang pasilidad.

Mariin namang itinanggi ng Lucky South 99 ang mga paratang. Sa dokumento ng lisensya, lumabas na si Roque ay tinukoy bilang hepe ng legal department ng kompanya, bagay na kalaunan ay tinanggihan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation.

Itinanggi rin ni Roque ang akusasyon, at iginiit na hindi siya kailanman naging legal counsel ng anumang ilegal na POGO at hindi niya kinatawan ang Lucky South 99. Sa kasalukuyan, naghahanap siya ng asylum sa Netherlands.

Noong Abril 2025, isinampa ang mga kaso laban kina Roque at Ong. Kasalaukuyang tinaguriang “at large” si Ong matapos palayain mula sa kustodiya ng Kamara sa pagtatapos ng 19th Congress. Ayon sa PAOCC, si Ong ay huling natunton sa Japan at mayroon nang inilabas na red notice laban sa kanya mula sa Interpol.



(Larawan: Philippine News Agency)