Diskurso PH
Translate the website into your language:

Lacson, inalok umano ng retired generals na sumali sa civil-military junta — ‘Dine-dedma ko’

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-23 18:02:58 Lacson, inalok umano ng retired generals na sumali sa civil-military junta — ‘Dine-dedma ko’

NOBYEMBRE 23, 2025 — Ibinulgar ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na ilang retiradong opisyal ng militar ang nag-alok sa kanya na maging bahagi ng isang “civil-military junta” na umano’y layong mag-reset ng pamahalaan sa gitna ng galit ng publiko sa kontrobersyal na flood control projects.

“Sa akin may nag-udyok, gusto civil-military junta. May mga nagme-message retired military, hindi ko ibabanggit ang pangalan, dine-dedma ko nga. Meron pang offer maging part ako ng junta, ng council. Kaya dine-dedma ko,” aniya sa panayam sa radyo. 

Mariin niyang tinanggihan ang naturang panukala, na tinawag niyang labag sa Konstitusyon at walang maidudulot na kabutihan. 

“I hope such military-backed intervention would not happen because nothing good can come out of it,” wika ni Lacson. 

(Sana hindi mangyari ang ganitong interbensyon ng militar dahil wala itong maidudulot na mabuti.)

Binigyang-diin ng dating hepe ng PNP na dapat manatiling matindi ang galit ng taumbayan sa malawakang katiwalian, ngunit hindi ito dapat humantong sa karahasan o labag sa batas na hakbang. 

“There are so many people with active imaginations … perhaps in their passion to change the system because they saw how systemic corruption has become,” dagdag niya. 

(Maraming tao ang malikhain … marahil dala ng kanilang pagnanais na baguhin ang sistema matapos makita ang lawak ng katiwalian.)

Tinukoy ni Lacson na malinaw ang linya ng pamumuno sa ilalim ng 1987 Constitution: mula Pangulo, Bise Presidente, Senate President, hanggang House Speaker. Ito rin ang dahilan ng kanyang “Designated Survivor” bill na naglalayong palawigin ang line of succession upang maiwasan ang vacuum sa pamahalaan sa oras ng krisis.

Bukod dito, binanggit ni Lacson ang pakikipag-usap niya kay Cardinal Pablo Virgilio David ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, na aniya’y kapareho ng kanyang paninindigan laban sa karahasan. 

“We had a positive talk because it sought the good of the country and not violence,” sabi niya. 

(Naging positibo ang usapan namin dahil ang layunin ay kabutihan ng bansa at hindi karahasan.)

Samantala, iginiit ni Lacson na may mga hakbang na ring ginagawa ang pamahalaan, kabilang ang paglalabas ng arrest warrants laban kay dating Ako-Bicol Rep. Zaldy Co at iba pang sangkot sa flood control scam. Si Co, pangunahing personalidad sa kontrobersya, ay nananatiling nagtatago sa ibang bansa.

Sa kabila ng mga panawagan para sa “transition council” o “military reset,” malinaw ang mensahe ni Lacson na ang solusyon sa katiwalian ay dapat nakaugat sa batas — hindi sa labag sa Konstitusyon na pamumuno.



(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)