Sunog sa Puregold Calauag, umabot sa halos 17 na oras bago makontrol
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-23 23:56:07
CALAUAG, Quezon Province — Halos 17 oras bago tuluyang makontrol ang malaking sunog na tumupok sa Puregold Calauag sa Brgy. Sta. Maria, Calauag, Quezon nitong Linggo ng madaling-araw, Nobyembre 23.
Ayon sa ulat ni Ronilo Dagos ng DWAR Abante Radyo, nagsimula ang sunog bandang alas-1 ng madaling-araw matapos maalerto ang duty guard dahil sa pagtunog ng fire alarm. Agad na rumesponde ang BFP-Calauag at itinaas ito sa ikalawang alarma dakong 1:40 AM.
Sumaklolo rin ang mga bumbero mula sa Tagkawayan, Guinayangan, at Lopez, pati na ang mga boluntaryo mula sa KABALIKAT.
Pagsapit ng alas-3 ng hapon, nananatili pa ring nasusunog ang gusali at patuloy ang naririnig na sunod-sunod na pagputok mula sa loob. Ayon sa mga bumbero, nahirapan silang apulahin ang apoy dahil sa kakulangan ng maayos na bentilasyon at masikip na espasyo, dahilan upang hindi agad lumabas ang init at usok mula sa gusali.
Upang mapabilis ang operasyon, gumamit ng backhoe upang bakbakin ang bahagi ng pader, para maabot ng tubig ang mga lugar na hindi mapasok ng mga bumbero.
Bagama’t idineklarang under control ang sunog noong hapon, nanatili ito sa ikalawang alarma hanggang alas-6 ng gabi, habang tuluy-tuloy ang pagbubuga ng tubig sa mga nagliliyab pang bahagi.
Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente. Patuloy na tinatantiya ang halaga ng pinsala at iniimbestigahan ang pinagmulan ng sunog. (Larawan: Peoples Taliba / Google)
