Diskurso PH
Translate the website into your language:

7 opisyal ng DPWH, kalaboso sa QC jail dahil sa P289M flood control scandal

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-24 23:56:46 7 opisyal ng DPWH, kalaboso sa QC jail dahil sa P289M flood control scandal

NOBYEMBRE 24, 2025 — Pitong mataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ipinasok sa kulungan matapos iutos ng Sandiganbayan ang kanilang detensyon kaugnay ng P289-milyong flood control project sa Oriental Mindoro na umano’y substandard at puno ng iregularidad.

Ang Fifth at Sixth Division ng anti-graft court ang naglabas ng commitment order laban kina:

  • Gerald Pacanan, regional director
  • Gene Ryan Altea, assistant regional director
  • Ruben D.S. Santos, assistant regional director
  • Dominic Serrano, construction division chief at Bids and Awards Committee (BAC) chairperson
  • Dennis Abagon, OIC-chief ng Quality Assurance and Hydrology Division, BAC regular member
  • Felisardo Casuno, project engineer III
  • Lerma Cayco, accountant IV

Anim sa kanila ay dinala sa New Quezon City Jail sa Barangay Payatas, habang si Cayco ay sa Camp Karingal.

Si Cayco ay may tatlong kaso: isang malversation at dalawang graft. Ang iba ay tig-iisang kaso ng malversation at graft. 

Sa ilalim ng utos ng Sixth Division, walang piyansa para sa malversation. Kailangang maghain muna ng mosyon ang mga akusado bago magtakda ng halaga ang korte.

Samantala, bailable naman ang graft. Si Cayco ay nakapagpiyansa ng ₱90,000 sa Fifth Division para sa kasong graft na paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Nakatakda ang arraignment ng mga akusado sa graft sa Nobyembre 27, habang sa Disyembre 2 naman para sa malversation.

Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), dumating ang anim na opisyal sa QC Jail bandang 3:36 p.m. kung saan sila ay sumailalim sa mugshots, medical check-up, at dokumentasyon.

Sinabi ni Interior Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla, “Sila po ay kasama sa floodgate scandal. Sila po ay mostly taga DPWH, Region 4B. Hinarap na po sila sa batas at dito po may confinement order na po sila dito.”

Dagdag pa niya, “Lahat naman sila yung may kasamang counsel. So everything is within the law. Ang sinisigurado ko lang ang personal safety ng ating mga anim na naka-detain dito.” 

Nagbiro pa si Remulla na nakasali na raw sa “Baha na Sila Gang” ang mga akusado, patutsada sa Bahala Na Gang na kilala sa penal system.

Giniit naman ni BJMP chief Jail Director Ruel Rivera na walang special treatment sa mga opisyal.

“As of now, nasa gen-pop pa rin sila. Wala po kami binubuksan na special wing. So, kung saan yung mga general population ng Quezon City inmates, doon rin sila nakatira ngayon,” aniya. 

Bukod sa pitong nakadetine, may siyam pang hindi sumusuko, kabilang si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na itinuturing na utak ng proyekto. Kasama rin ang ilang opisyal ng DPWH at board members ng Sunwest Construction.

Tatlo sa kanila ay nasa ibang bansa — USA, Qatar, at New Zealand — ngunit ayon kay Remulla, natunton na ang kanilang mga record at inaasahang magre-report sa embahada ngayong linggo.

“Sinabi naman namin sa kanila na na-track na namin sila, alam namin kung nasaan sila, alam namin kung anong address nila abroad, nakita naman namin yung point of entry nila, yung passport nila, yung immigration record nila, nakita na lahat. There’s no use hiding,” ani Remulla. 

Ayon pa sa kanya, inaasahan pang may mas malalaking pangalan na mahuhuli sa mga susunod na linggo.

Bagama’t nakadetine na ang ilan, iginiit ng pamahalaan na ang lahat ng akusado ay nananatiling inosente hangga’t hindi napapatunayan sa korte.



(Larawan: Presidential Communications Office)