Cebu Provincial Government, namahagi ng 177,800 na antibiotics para labanan ang pagtaas ng kaso ng leptospirosis
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-24 23:14:52
CEBU, Philippines — Namahagi ngayong araw ang Cebu Provincial Government ng kabuuang 177,800 doses ng prophylactic antibiotics sa iba’t ibang lugar sa Metro Cebu bilang paghahanda laban sa leptospirosis at iba pang sakit na maaaring kumalat dahil sa pagbaha mula sa Tropical Depression Verbena.
Pinangunahan ni Dr. Nikki Catalan, Piso Health Consultant ng Capitol, ang agarang pamamahagi ng mga gamot sa mga lugar na mataas ang panganib ng pagtaas ng tubig. Mula sa kabuuang bilang, 115,200 doses ang ibinaba sa mga bayan sa hilagang Cebu, habang 62,600 capsules naman ang ibinigay sa Talisay City, matapos hilingin ni City Health Officer Dr. Rey Cesar Bautista sa Tanggapan ng Gobernador.
Ayon kay Gov. Pamela Baricuatro, ang hakbang ay isang proactive measure upang masiguro na may sapat na gamot ang mga residente lalo na iyong patuloy na nalalantad sa maruming tubig na maaaring may dalang leptospirosis matapos ang pagbaha mula sa epekto ng Typhoon Tino.
Kabilang sa mga LGU sa hilagang Cebu na nakatanggap ng karagdagang suplay ang Liloan (50,000 capsules), Consolacion (30,000), at Compostela (35,200). Ayon sa Provincial Health Office, agad na ipinamahagi ang mga gamot sa barangay at rural health units upang maging mas mabilis at accessible ito sa publiko.
Sa isinagawang distribusyon sa Compostela, nagpasalamat ang mga barangay captains kay Gov. Baricuatro sa maagap na pagbibigay ng tulong medikal.
Tiniyak ng Capitol na magpapatuloy ang pamimigay ng medikal na suporta upang maprotektahan ang kalusugan ng mga Cebuano lalo na sa mga lugar na madalas makaranas ng pagbaha. (Larawan: Cebu Province / Facebook)
