DepEd itinanggi ang ‘ban’ sa Christmas parties sa mga paaralan
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-24 09:29:20
Nobyembre 24, 2025 - Mariing itinanggi ng Department of Education (DepEd) ang mga kumakalat na ulat sa social media na nagbabawal umano sa pagdaraos ng Christmas party sa mga paaralan.
Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ng ahensya, “That is fake news. No announcement banning Christmas parties in schools this year has been released.”
Ayon sa DepEd, nananatiling malaya ang mga paaralan na magdaos ng kanilang taunang Christmas party, basta’t ito ay simple, makabuluhan, at hindi magiging pabigat sa mga magulang at mag-aaral.
“Celebrations should be simple yet meaningful. Christmas party themes should not result in expenses that will become a burden on parents, students, and DepEd personnel,” nakasaad sa DepEd Order No. 52, s. 2022 na muling ipinaalala ng ahensya.
Dagdag pa ng DepEd, mahigpit na ipinagbabawal ang mandatory contributions para sa Christmas parties. Ang anumang kontribusyon, maging pera o regalo, ay dapat na boluntaryo lamang. “No learner or DepEd personnel should be forced to contribute, participate, or use their money for the celebration,” ayon sa kautusan.
Noong nakaraang taon, naglabas din ng direktiba ang DepEd na i-“scale down” ang mga Christmas party sa mga opisina at paaralan bilang pakikiisa sa mga nasalanta ng bagyo. Gayunman, ngayong 2025, nilinaw ng ahensya na walang pagbabawal sa pagdiriwang, basta’t ito ay naaayon sa mga umiiral na patakaran.
Hinimok ng DepEd ang publiko na i-report ang mga social media pages na nagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa Christmas parties. “The public should report social media pages spreading fake news,” dagdag ng ahensya.
Para sa DepEd, ang pagdiriwang ng Pasko sa mga paaralan ay mahalagang bahagi ng kultura at tradisyon ng mga Pilipino, ngunit dapat itong isagawa nang may malasakit sa kalagayan ng bawat pamilya.
Larawan ay AI-generated
