Manila, nakatanggap ng 3 brand new toyota hi-lux mula sa Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII)
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-24 22:53:52
MANILA — Sa isinagawang flag raising ceremony ngayong linggo, masayang ibinahagi ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang panibagong donasyon mula sa Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) — tatlong brand new Toyota Hi-Lux na magagamit ng lokal na pamahalaan upang mapanatili at mapalakas ang peace and order operations sa Lungsod ng Maynila.
Ayon kay Mayor Isko, malaking tulong ang mga bagong sasakyan sa pagpapaigting ng seguridad at mabilis na pagtugon ng mga awtoridad sa iba’t ibang distrito ng Maynila. Ang mga service vehicles ay nakatakdang gamitin upang suportahan ang mga operasyon ng pulisya, traffic management team, at iba pang enforcement units sa lungsod.
Personal na pinasalamatan ni Yorme Isko ang FFCCCII sa pangunguna ng kanilang Pangulo, Mr. Victor Lim, dahil sa patuloy na tiwala at suporta sa pamahalaang lungsod.
“Pumanatag kayo, kami ni Vice Mayor Chi Atienza at sampu ng mga konsehal n’yo sa lungsod, pipilitin namin maglingap, maging episyente at masinop sa mga kakayanan ng ating lungsod pagdating sa gastusin. Maraming maraming salamat!” pahayag ng alkalde.
Dagdag pa ni Yorme, ang tulong mula sa pribadong sektor ay patunay na naniniwala ang mga negosyante sa direksyon ng pamamahala ng lungsod tungo sa mas ligtas at produktibong komunidad.
Samantala, nakatakdang i-deploy ang mga bagong sasakyan sa mga strategic areas upang mas mapabilis ang pagresponde sa mga insidente at emergencies sa Maynila. (Larawan: James Bulan / Manila PIO)
