Diskurso PH
Translate the website into your language:

Marcos, nagbabala sa 7 pang pinaghahanap na sangkot sa flood scam — ‘Hindi kami titigil!’

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-24 19:45:57 Marcos, nagbabala sa 7 pang pinaghahanap na sangkot sa flood scam — ‘Hindi kami titigil!’

NOBYEMBRE 24, 2025 — Nag-anunsyo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pitong personalidad na sangkot sa umano’y katiwalian sa flood control projects ay hawak na ng pamahalaan, habang nananatiling malaya ang iba pang akusado kabilang si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.

Sa inilabas na video, sinabi ng Pangulo na mula sa 16 kataong pinapadakip ng Sandiganbayan, pito na ang nasa kustodiya ng awtoridad. Isa ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa labas ng kanyang tirahan, habang anim ang kusang sumuko sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG). Dalawa pa ang nagpahayag ng intensyong magpaharap sa mga imbestigador.

Kabilang sa mga nakunan ng mugshot ng Presidential Communications Office ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina: 

  • Gerald Pacanan
  • Gene Ryan Alurin
  • Ruben Delos Santos
  • Dominic Gregorio
  • Felisardo Casuno
  • Juliet Calvo

Ayon kay Marcos, hindi bibigyan ng espesyal na trato ang mga nahuli. Mananatili sila sa kustodiya ng NBI habang hinihintay ang commitment orders mula sa Sandiganbayan.

Binanggit din ng Pangulo ang pagkakaaresto kay Dennis Abagon, isang engineer ng DPWH-MIMAROPA, na nahuli sa labas ng kanyang bahay. 

Binalaan niya ang sinumang magtatangkang magtago ng mga akusado: “Sa mga nagtatangkang tumulong sa pagtatago, tandaan ninyo na kahit paano mananagot din kayo kung kayo ay nagtatago ng isang fugitive from justice.” 

Dagdag pa ng Pangulo, mas makabubuti para sa mga natitirang akusado na kusang sumuko.

“Sa lahat ng natitirang akusado, ang aking payo sa inyo ay sumuko na kayo, huwag niyo nang hintayin na habul-habulin pa kayo,” babala niya.

Sa kabuuan, pito ang hawak ng gobyerno, dalawa ang nakatakdang sumuko, at pito pa ang hindi pa natutunton. Giit ni Marcos, tuloy-tuloy ang kampanya laban sa katiwalian.

“Tuloy-tuloy po ito. Hindi kami titigil, hindi kami hihinto,” giit niya.



(Larawan: Philippine News Agency)